ni Mharose Almirañez | October 21, 2022
Naaalala n’yo pa ba kung paano umingay sa social media ang isyu tungkol sa hiwalayang Carla-Tom, LJ-Paolo, Kylie-Aljur at iba pang celebrity couple? Eh ang usap-usapang hiwalay na rin sina Heart Evangelista at Chiz Escudero dahil tinanggal na ng aktres ang apelyido ng senador sa kanyang Instagram?
Ganyan kabilis kumalat ang tsismis. Palibhasa, modern era na tayo, kaya high-tech na rin ang paraan ng break up. Ito ‘yung panahon kung saan puwede nang magka-access sa ‘yong private life ang kahit sino sa pamamagitan lamang ng pang-i-stalk sa ‘yong social media profile. Mapa-showbiz o non-showbiz personality ka man, mayroon kang online friends and followers na palaging nakaantabay sa bawat update sa iyong timeline. Kaya cryptic post man ‘yan, nadi-distinguish agad ng mga ‘Marites’ na tambay sa social media ang iyong pinagdadaanan—partikular sa ‘yong love life, sa pamamagitan lamang ng mga sumusunod na signs:
1. ‘PAG NAG-DEACTIVATE KA NG ACCOUNT. ‘Yung tipong, hindi ka naman low-key person, pero bigla kang naging invisible sa social media. Let’s say, Facebook friend tayo, tapos nag-deactivate ka, rito na magsisimula ‘yung mga haka-hakang nasa healing process ka.
2. ‘PAG NAGPALIT NG ITIM NA PROFILE PICTURE. Karamihan sa naka-itim na profile picture ay mga namatayan ng kamag-anak at nasa stage ng pagluluksa. Mayroon din namang ilan na gumagamit nito upang ipaalam sa kanyang friends and followers na something bad is going on.
3. ‘PAG NAGPAIKLI NG BUHOK. Very common ito sa kababaihan. ‘Yung tipong, ipe-flex pa nila ang pagpapagupit sa kanilang ‘my day’ o Instagram stories. Ginagawa ito by showing that they’re cutting ties over someone.
4. ‘PAG IN-UPDATE MO ANG IYONG PROFILE WITHOUT ANY TRACE OF HIM/HER. Halimbawa, mula sa public status na “in a relationship” ka sa kanya, tapos bigla mo itong ini-hide sa iyong profile. Puwede ring, kapag hindi mo na siya isinama sa iyong bio.
5. ‘PAG PURO MEMES O HUGOT NA ANG TIMELINE. Kung noon ay puro tag, mention or picture n’yo ng bebe mo ang laman ng iyong timeline, ngayon ay natabunan na ‘yun ng memes and cryptic posts.
6. ‘PAG BURADO NA ANG PICTURES NIYA. Kumbaga, hindi mo na siya pini-feature sa iyong story highlights. Naka-hide na rin maging ang mga picture niya at picture n’yo sa iyong account.
7. MAY PAG-UNFOLLOW/UNFRIEND NA NAGAGANAP. Madali lamang makumpirma kung friends pa n’yo ang isa’t isa sa pamamagitan ng search box, kaya mag-ingat sa mga Marites na walang ibang ginawa kundi abangan kung kailan kayo magbe-break. Typical movement ang pag-a-unfollow sa mga artista, kaya kung sinimulan mo nang i-unfollow ang iyong karelasyon, naku, gets na nila ‘yan!
8. ‘PAG MADALAS NANG MAG-CHAT SA GC. Samantalang dati, hindi mo man lang magawang mag-seen at magbasa sa inyong group chat dahil puro ka ‘bebe time’. Pero ngayon, ang ingay-ingay mo na at ikaw na itong madalas mag-open ng topic. ‘Yung tipong, nagyayaya ka na ring gumala at mag-inom, kaya obvious na hindi ka okey.
9. ‘PAG NAGSIMULA NANG MAG-SELF LOVE. Finally, pala-post ka na ulit ng selfie, travel, food at inspirational quotes with the #Selflove. ‘Yun bang, positive outlook ka, pero para kang palaging may gustong patamaan at patunayan sa mga post mo.
10. ‘PAG NAGING ACTIVE KA NA ULIT SA DATING APP. Kung dati kang suki ng online dating, heto nga’t nagsisimula ka nang magbalik-loob. Searching for bagong trauma o rebound ang bago mong peg.
Minsan, may mga relasyong hindi pa naman talaga tapos, pero tuluyan nang natatapos dahil sa pangunguna ng mga taong nakapaligid sa inyo. ‘Yung tipong, kahit gusto mo pang ayusin ay lalo lamang nasisira dahil sa pakikisali o pakikisawsaw ng mga taong palaging may sey sa inyong relasyon.
Kaya naman sa susunod na makikipagrelasyon ka, mainam kung magpaka-low-key kayo. Huwag mong i-post ang bawat ganap sa inyong relasyon upang maging clueless sila. Hindi naman kasi porke hindi mo pine-flex sa socmed ang iyong dyowa ay hindi mo siya mahal o hindi ka proud sa kanya. Magkaiba kasi ‘yung private sa secret relationship.
Okie?
Commentaires