top of page
Search
BULGAR

Keri pa ba ng iyong bulsa, besh? Mga ginagastusan tuwing holiday season

ni Mharose Almirañez | December 22 2022



Hanggang saan aabot ang 13th month pay mo? Paniguradong dadaan lamang ‘yan sa iyong mga palad at mabilis mauubos tulad ng kisap-mata.


‘Ika nga, tuwing Disyembre ay para tayong mga one day millionaire na walang humpay kung gumastos. Ubos-biyaya, kumbaga. Bagama’t, mayroon naman tayong option na ibangko lamang ang ating mga natanggap na pera, pero siyempre, we want to share the blessings, lalo na sa mga taong malalapit sa atin. Hindi uso ang pagiging madamot o kuripot, sapagkat kikitain mo rin naman ulit ang mga ‘yan. Afterall, Christmas is about giving.


So, beshie, ready ka na bang mabutas ang iyong bulsa? Luwagan mo na ang iyong sinturon at sabay-sabay tayong magwaldas ng 13th month pay ngayong Disyembre para sa mga sumusunod na gastusin:

1. REGALO SA MGA INAANAK AT MALALAPIT SA BUHAY. Siyempre kailangan mong maglaan ng budget para regaluhan ang iyong mga inaanak, pati na rin sina nanay, tatay, ate, kuya, bunso, lola, lolo, tita, tito, dyowa at BFF. Idagdag mo pa ang iyong monito-monita sa inyong Christmas party. Hays, d’yan pa lang, mauubos na talaga ang iyong 13th month pay. Bukod sa mabubutas ang iyong bulsa ay mai-stress ka pa kaiisip kung ano ang puwedeng iregalo sa kanila.


2. HANDA SA NOCHE BUENA AT MEDIA NOCHE. Hindi naman pabonggahan sa dami ng handa tuwing Noche Buena at Media Noche. Ang mahalaga ay makasama ang iyong pamilya at sabay-sabay kayong kakain ng mga inihaing kanin, ulam, prutas, pansit, pasta, kakanin, at ilang panghimagas. Katulad nga ng sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo, kasya ang P500 para sa simpleng handa sa Noche Buena ng isang maliit na pamilya, depende na lamang sa brand at putaheng ihahain.


3. MGA BAYARIN SA UTILITY BILLS. Hindi naman porke Pasko at Bagong Taon ay pause muna ang iyong mga bayarin sa bahay, tubig, ilaw, internet atbp. Kaya bago tuluyang maubos ang iyong pera sa kung anu-ano ay siguraduhin mo munang may nakalaan kang budget para sa mga ‘yan. Mahirap naman kasi kung ubos-biyaya ka ngayong buwan, tapos next year ay tunganga dahil sa patung-patong na bills.


4. MGA UTANG NA DAPAT BAYARAN. Panigurado namang bukod sa utility bills ay mayroon ka ring iba pang pinagkakautangan. Mainam na i-settle mo muna ang iyong bayarin para walang utang na sasalubong sa ‘yo sa Bagong Taon. Isipin mo na lamang na isang blessing ang maging utang-free sa 2023.


5. BAGONG KAGAMITAN SA BAHAY. Nakakatuwa kapag nakikita mo ‘yung mga pinaghihirapan mo. ‘Yung tipong, nakakapagpundar ka kahit paisa-isang appliances sa inyong bahay. ‘Ika nga’y katas ng iyong pawis ang gamit na ‘yun. Magandang ambag na rin ‘yan sa inyong pamilya. Gasino lang naman siguro ‘yung bagong electric fan, ‘di ba, beshie?

Alam ko namang aware ka na sa bawat expenses na karaniwang pinagkakagastusan tuwing Pasko at Bagong Taon. Pero sana, kahit gaano kagastos ang buwan na ito ay ‘wag mo kalimutang maglaan para sa savings.


Hangga’t maaari ay regaluhan mo rin ang sarili mo. Kahit pa sabihing masaya ka na makitang masaya ang mga taong mahal mo ay iba pa rin kung mai-spoil mo ang iyong sarili for once. Hindi naman ‘yan kadamutan, in fact, deserve mo ‘yan. Okie?


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page