top of page
Search
BULGAR

Kerengkeng na manugang, biyenan ‘di makapagsumbong sa anak

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 13, 2024


Dear Sister Isabel,


Isang mapagpalang araw sa inyo r’yan sa Bulgar. Dati, masaya ang aming pamilya kahit na hindi kami mayaman. Isa lang ang anak ko, at siya ay isang lalaki. Sa kasalukuyan, may isa na rin siyang anak. 


Narito sa poder ko ang kanyang asawa’t anak. Magkakasundo naman kami hanggang sa naisipan ng anak ko na magtrabaho sa abroad para umano guminhawa ang buhay namin at mahango kami sa kahirapan.


Pumayag naman ang manugang ko at natuwa pa nga siya dahil may pag-asa na kaming yumaman. 


Makalipas ang isang taon, unti-unti ring guminhawa ang aming buhay. Subalit, noong sumunod na taon may napansin ako sa manugang ko. Lagi siyang nakapustura at madalas umalis ng bahay. Minsan pa nga ay hindi umuuwi, at hindi sa amin natutulog. 


Kaya one time nu’ng umalis siya, pinasundan ko siya sa aking kaibigan. Kaya naman pala todo-ayos ay dahil may lalaki na siyang iba. Pinagtataksilan niya na pala ang anak ko, kinompronta ko siya pero hindi siya umamin. Hindi ko siya maisumbong sa anak ko dahil baka makagawa lang siya ng ‘di kanais-nais at bigla na lang umuwi. 

Ano kaya ang dapat kong gawin? Patuloy pa rin ang pagtataksil ng manugang ko sa anak ko. Kahit pinangaralan ko na siya, sana ay mapayuhan n’yo ako. 


Nagpapasalamat,

Nanay Myrna ng Zambales


Sa iyo, Nanay Myrna,


Ganyan talaga ang nagiging kapalit ng dollar sa buhay ng mag-asawa. Sa pagnanais na yumaman, maging dollar earner, lalong hindi gumanda ang kanilang pamumuhay. 


Ang pinakamabuti mong gawin ay kausapin mo ng masinsinan ang manugang mo.


Ipaunawa mo sa kanya na masama ang maidudulot ng kanyang ginagawang kataksilan at pangangaliwa. Lalo na kung mabubuntis pa siya ng kalaguyo niya. Kung hindi pa rin siya makikinig sa iyo, roon mo na siya isumbong sa anak mo.


Takutin mo na baka biglang umuwi iyon. Naniniwala akong nauhaw lang sa sex ang manugang mo. Kapag natauhan na ‘yan, paniguradong titigil din ‘yan at tuluyang iiwas sa kalaguyo niya. 


Huwag mo siyang awayin. Kausapin mo lang siya na may halong pagmamalasakit sa inyong pamilya kabilang na ang kaisa-isa mong apo sa kanya at para na rin sa anak mo na nagpapakahirap sa abroad. 


Nakasisiguro ako na sa magandang pakiusap na may halong diplomasya, magigising sa katotohanan ang manugang mo. Iiwas na siya sa kalaguyo niya at tuluyang magiging mabait at responsableng asawa at ina hanggang sa makauwi ang asawa niya. 


Pagdating ng anak mo, himukin mo siyang huwag na muling magtrabaho sa abroad.


Magnegosyo na lang umano sila kahit na maliit lang. Magtulungan silang mag-asawa.


Ang mag-asawang nagtutulungan ay pinagpapala. Sipag at tiyaga lang ang kailangan.


Tutal kamo isa lang naman ang anak nila. Hindi na niya kailangang iwan pa ang kanyang pamilya.


Sabihin mo rin lumalaki na ang anak niya, at kinakailangan na nito ng kalinga ng isang ama. Kung aalis siyang muli para magtrabaho sa abroad, magiging ulila na sa ama ang kanyang anak gayung buhay pa naman siya at higit sa lahat sabihin mo sa anak mo na ang babae ay may pangangailangang sexual din. Kung lalayo siyang muli, baka makalimutan na siya ng kanyang asawa. Umaasa akong makikinig sa iyo ang anak mo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page