ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 3, 2024
KATANUNGAN
May ex-girlfriend ako sa aming probinsya. Pero sa kasamaang palad, hindi kami ang nagkatuluyan. Mga bata pa kasi kami noon at inosente pa. Siya talaga ang gusto kong mapangasawa. Kaya lang, wala kaming nagawa nang paglayuin kami ng tadhana at nu’ng panahong kailangan niyang mag-abroad. Mula noon, itinuring ko na lang na hindi kami talaga ang para sa isa't isa.
Makalipas ang maraming taon, bigla akong nakatanggap ng friend request sa FB at nang tingnan ko ang pangalan, nagulat ako dahil pangalan 'yun ng ex-girlfriend ko.
Nang makita ko 'yun, tuwang-tuwa ako at wala akong sinayang na pagkakataon. Kinamusta ko siya at nagkausap kami. Mula noon, muling nabuhay ang sigla ko sa bawat araw dahil naging magkaibigan ulit kami. Hanggang sa magpasya kaming magkita at nang magkita kami, alam ko sa puso ko na may gusto pa rin ako sa kanya at ganundin siya sa akin. Kaya lang, ang masakit ngayon ay pareho na kaming may sariling pamilya. Gayunman, paminsan-misan ay palihim pa rin kaming nagkikita.
Ang gusto kong malaman, Maestro, kung sadya bang nakaguhit sa palad namin na muli kaming pagtatagpuin ng tadhana? Minsan, natatakot din akong mabisto ng asawa niya o asawa ko ang aming ginagawa.
Sa ngayon, some sort of advice lang ang kailangan ko para magkaroon ako ng peace of mind at sana ay magkita tayo nang personal para matingnan mo ang guhit ng aking palad.
Masasabi ko ring masaya naman kami ng legal wife ko dahil mabait naman siya at maasikaso.
KASAGUTAN
Hindi ka dapat kabahan at wala kang dapat ipag-alala dahil anuman ang namamagitan sa inyong dalawa ng teenage sweetheart mo, hindi masisira ang inyong pamilya, sapagkat kung noong panahong pinaglayo kayo ng tadhana ay wala kayong nagawa, mauulit lang ang mga pangyayari — muli kayong pagtatagpuin at wala rin kayong magagawa para tanggihan ito.
Nangyaring ganyan ang kinalabasan ng pag-aanalisa dahil kapansin-pansing nanatiling matino, buo, tuwid at maganda ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit magkatikiman pa kayo nang magkatikiman at paulit-ulit na magparaos ng sarap at ligaya, walang duda, mananatili pa rin ang dati mong ugali na mabait at tapat sa iyong asawa, kaya anuman ang mangyari, makakaya mo pa rin siyang iwasan.
Ang ikinaganda pa nga nito, ganundin siya, mananatili ang pagiging mabait niyang ina ng tahanan at ulirang misis sa kanyang mister, kaya kapag nagpaalam na kayo sa isa't isa, kapwa kayo masayang babalik sa inyong pamilya.
Tulad ng inaasahan, dahil 'yun naman talaga ang nakatakda – ang saglit na ugnayan sa kasalukuyan upang mairaos n'yo ang nausyaming suyuan at pagmamahalan n'yo sa isa’t isa. At kapag nairaos na ulit nang nairaos nang palihim ang sarap at romansa na hindi n'yo naman nagawa nang kayo’y mga bata pa, tulad ng nasabi na, parehong babalik ang katinuan ng isip n'yo, kaya pipiliin n'yong manatili sa orihinal n'yong mga pamilya habambuhay.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Jack, matapos ang isa, dalawa, tatlo o mahigit pa na palihim n'yong pagkikita at pagde-date ng teenage sweetheart mo, at matapos n'yong mairaos nang paulit-ulit ang nausyaming pagmamahalan at init ng katawan, darating ang eksaktong panahon na maglulubay din kayo upang muling magbalik sa katinuan ang inyong isipan.
Minsan, kapag ganu'n na nga ang nangyari, magpapasya na rin kayo na pigilan na muna ang inyong sarili, alang-alang sa inyong pamilya, ibabalik n'yo ang sitwasyon sa isang “ideal family” na tinitingnan ng lipunang inyong ginagalawan, na ang tingin sa inyo ay kapwa kayo mayroong isang simple, maligaya at panghabambuhay na pamilya.
At kapag nangyari na 'yun, balik ulit ang inyong buhay sa masayang pamilya. Sa inyong pag-iisa, isang umaga habang nagkakape, sa terahe ng inyong bahay, minamasdan ang mga lantang tangkay ng mga bulaklak sa hardin, sasagi na lamang sa inyong alaala ang minsang kasalanan na inyong nagawa, subalit batid n'yong kailanma’y hinding-hindi na mauulit pa, sapagkat ang mga nakaw na sandali na masarap at maligaya ay sadyang lilipas at matatapos din (Drawing A. at B. h-h arrow b.).
Comments