ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | July 23, 2024
KATANUNGAN
Two weeks na kaming hiwalay ng ex-gf ko dahil nahuli niya akong nagbi-vape. Agad akong humingi ng pasensya sa kanya, pero mula noon, hindi niya na ako kinibo.
Pumunta ako sa bahay nila para dalawin siya, na regular ko namang ginagawa, pero hindi siya nagpakita sa akin. Ayon sa kapatid niya, umalis daw siya.
Tine-text at tinatawagan ko siya, pero hindi siya sumasagot at madalas naka-off pa ang cellphone niya. Ang isa ko pang pinoproblema, binlock na rin niya ako sa Facebook.
Maestro, ano ba ang dapat kong gawin? Mahal na mahal ko siya, at ayokong tuluyan kaming magkahiwalay. Kung ako lang ang masusunod, siya na ang gusto kong makatuluyan. Sa katunayan, nag-iipon na ako para sa aming kinabukasan. Sa palagay n’yo, magiging okey pa kaya ang aming relasyon?
KASAGUTAN
Dahil medyo maliit na dahilan lang naman pala ang pinag-awayan n’yo, ang nangyayari sa inyo ngayon ay isa lamang lover’s quarrel. Kumbaga, para lamang kayong naglalambingang ibon sa puno ng mangga, mapapansin mo ‘yung dalawang ibon ay nagtutukaan, habang tumatakbo, at palipat-lipat naman sa sanga ‘yung isang ibon. Kunwaring umiiwas lang ‘yung isang ibon, pero sa katunayan, nagpapatuka at nagpapaabot naman talaga siya. Ganundin ang nangyayari sa inyo ngayon ng girlfriend mo, matapos magkunwaring nagtatampuhan, tiyak na magkakabati rin kayo, at muling magtutukaan.
Kung tutuusin, ‘di naman talaga galit sa iyo ang girlfriend mo, dahil sure akong mahal na mahal ka lang niya. Ang totoo pa nga nito, kung siya lang ang masusunod ikaw din ang gusto niyang mapangasawa. Ang isang matibay na ebidensiya o patunay ay ang pagiging mahigpit niya sa iyo, lalo na pagdating sa pagbi-vape. Ibig sabihin, concern lang siya sa health mo, pero kung maitatanong mo naman kung bakit siya concern sa kalusugan mo? Simple lang ang sagot, concern siya sa iyo dahil mahal ka niya, at ayaw niyang magkasakit o maaga kang mawala.
Kaya ayon sa kaisa-isa mong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung wala ka namang ginagawa sa inyo, mas maiging pasyalan mo siya, at kapag nawala na ang asar niya sa iyo, muli ka niyang tatanggapin at patatawarin.
DAPAT GAWIN
Habang ayon sa iyong mga datos, Jacob, anuman ang mangyari ang kaisa-isang malinaw at makapal na Marriage Line (1-M arrow a.) mo pa rin ang mananaig. Simula ngayong Hulyo hanggang Agosto, magkakabati na rin kayo ng girlfriend mo hanggang sa bandang huli, kayo na rin ang magkatuluyan na nakatakdang magsama sa pagbuo ng isang simple, pero maligayang pamilya habambuhay.
Comments