ni Gerard Arce - @Sports | August 17, 2021
Mapipilitang ipagbili ni KCS Computer Specialist team owner Ricky Verdida ang prangkisa ng kanyang koponan sa Chooks-to-Go Pilipinas Vis-Min Super Cup dahil sa pinansyal na problema.
“Hindi na kaya. Nabaon na sa utang,” eksplika ng basketball team owner, na nanghihinayang na napagdesisyunang gamitin ang natanggap na P1 million galing sa Chooks-to-Go upang pambayad ng mga nakaraang gastusin. “I want to continue but at the same time, I need to take care of my family.”
Inanunsiyo ng 40-anyos na si Verdida ang masaklap na balita matapos ang runner-up finish ng koponan na KCS Computer Specialist Mandaue City laban sa powerhouse at undefeated na Jumbo Plastic Basilan Peace Riders sa Southern finals series sa iskor na 3-0 nitong nagdaang Biyernes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Inamin ni Verdida, na bago naging negosyante ay dating kolektor ng basura, janitor at kundoktor upang maitustos lamang sa kanyang buhay nung kabataan nito, na mabigat na para sa kanyang gastusin ang pagmamay-ari ng basketball team, kung saan pinapatakbo nito ang Kiboy’s Computer Solutions.
“If there’s someone interested, it would be great so that my players can still have work,” wika ni Verdida, na malugod naman sa pagkakaroon ng koponan sa kauna-unahang professional league sa katimugan na matagumpay na napagwagian ang korona ng Visayas leg laban sa paboritog MJAS-Zenith Talisay Aquastars vis 2-1, kung saan tinulungan sila ng mga main-gunners na sina Ping Exciminiano, Gryann Mendoza at Al Francis Tamsi, na pagdating sa Southern Finals ay hindi na nakapaglaro dahil kinakailangan na ng kanilang mga Mother teams sa ibang liga.
Nakatakda namang buksan ang ikalawang komperensya ng Visayas division sa darating na Oktubre na lalahukan umano ng hindi pa matuloy na bilang koponan na pinapanalisa at inaalam pa ang pinal na lalahok.
Comments