ni Gerard Peter - @Sports | May 09, 2021
Isang mahalagang 3-point basket ang isinalpak ni 2019 CESAFI MVP Shaq Imperial sa nalalabing segundo para sa KCS Computer Specialist-Mandaue City upang ibigay ang kauna-unahang talo sa MJAS Zenith-Talisay City Aquastars, 67-66, sa Game 1 ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Visayas leg Finals, Biyernes ng gabi sa Alcantara Civic Center sa Cebu.
Mula sa 2 free-throw ni Aquastar guard Shane Menina sa 1 minuto ng laro para lumamang, 64-66, kumana ng 3 at 2 pts shot si Imperial, ngunit nagmintis, gayunpaman isang offensive rebound ni Michole Sorela ang bumuhay sa pag-asa ng Mandaue City na agad na ipinasa kay Imperial para sa walang sablay na 3-points.
“He always comes up big when his number is called,” pahayag ni KCS assistant coach Vince Urot. “We all know him from his CESAFI days. He is not afraid to take those big shots in the grandest stage,” dagdag ni Urot tungkol kay Imperial na tumapos ng 16 points.
May pagkakataon na maitabla o makuha ng Aquastars ang kalamangan ng tumuntong sa free throw line si center Jhaymo Eguilos sa 32 seconds, ngunit a hindi binuwenas ang dating Phoenix at Blackwater center sa PBA na makabuslo na nakuha naman ni Dyll Roncal para sa rebound.
Ito ang kauna-unahang beses na natalo ang Aquastars sa liga sapol nang magsimula ang mga laro noong Abril 9, habang nakabawi ang Computer Specialist sa lopsided na 57-77 pagkatalo sa 1st round at 73-81 sa 2nd round.
Itinanghal bilang pinakamahusay na manlalaro ng Visayas division ng VisMin Super Cup si MJAS Zenith-Talisay City Aquastar forward Jaymar Gimpayan para sa kauna-unahang Most Valuable Player awardee. Ang dating Our Lady of Fatima University ay naging malaking dahilan para sa Aquastars para manatiling undefeated sa elimination round ng inaugural season ng kauna-unang professional league sa katimugan.
Nagtala ang 25-anyos na 6-foot-2 small forward 416 points sa MVP race para manguna sa kabuuang 333 statistical points.
Komentarze