ni Gerard Peter - @Sports | May 11, 2021
Kinumpleto ng KCS Computer Specialist-Mandaue City ang tila mala-fairy tale na kampanya laban sa top seed na MJAS Zenith-Talisay City Aquastars nang kunin nito ang winner-take-all na panalo, 89-75 sa Game three ng Visayas division ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup, Linggo ng gabi sa Alcantara Civic Center sa Cebu.
Hindi na pinalampas pa ng Computer Specialist ang pagkakataon na makamit ang unang titulo sa kauna-unahang professional league sa katimugan ng bumanat ng todo ang mga bataan ni coach Mike Reyes sa pangunguna ni dating Alaska Aces combo guard at dating Far Eastern University stalwart Ping Exciminiano nang kumana ito ng team-high 15 points kasama pa ang 5 rebounds, 1 assist at 3 steals.
Aminado ang mga koponan sa Visayas leg na malaki ang tsansang magwagi ng titulo ang Aquastars, na nagpatunay sa undefeated 10-0 kartada sa elimination round upang agad na dumiretso ito sa championship round. Gayunpaman, ginulat ng Computer Specialist ang Aquastars sa Game 1 noong Biyernes ng gabi sa 67-66, na dalawang beses nilang tinalo sa pamamagitan ng lopsided na 57-77 sa 1st round at 73-81 sa 2nd round.
Subalit nagpamalas ng matinding depensa ang KCS-Mandaue laban sa paboritong kalaban na nilimita sa 3rd quarter sa 11 puntos, at hindi na muli pang makalamang hanggang matapos ang laro. “I got to win the hearts of the players. That’s why they played so hard because I think I was able to capture it,” pahayag ni Reyes. “I told them, ‘let’s try to make history. Let’s give them forty minutes of hell!,” dagdag ni Reyes.
Sapol ng makuha ang 7-point lead na kalamangan sa third canto sa 43-36, nagtulong-tulong na sina Rhaffy Octobre, Bernie Bregondo, Al Francis Tamsi, Red Cachuela, Michole Solera, Shaq Imperial, Dyll Roncal at Exciminiano para agawin sa Talisay-City Aquastars ang kalamangan at ibaon ang 11-point lead sa pagpasok ng 4th canto sa 50-61.
Itinanghal na Finals MVP ang 32-anyos na Olongapo City-native na si Exciminiano na rumerehistro ng 13.0 points, 6.0 assists, at 3.0 steals sa tatlong laro sa finals.
Comentarios