ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Mar. 27, 2025
Photo: Paulo at Kim Chiu - Instagram
Sobrang saya ni Kim Chiu nang manalo siyang Best Drama Actress sa 38th Star Awards for TV ng PMPC. Ang kanyang mahusay na pagganap sa kanyang role sa Linlang ang napansin ng mga viewers at ibang Kim ang napanood ng lahat.
Kayang-kaya na niya ang seryoso at daring role.
Hindi na siya ang dating Kim Chiu na bungisngis at pabebe, kaya tuwang-tuwa ang mga loyal fans ng Chinita Princess.
Napatunayan na ni Kim na kaya na niyang mag-solo at hindi na dedepende lang sa love team nila ni Paulo Avelino.
Puwede na rin siyang pumili ng gusto niyang project. Nagle-level-up na ang pagiging actress ni Kim, big star na siya na pambato ng ABS-CBN at mas magiging mabenta na siyang endorser ng mga produkto.
Kaya naman labis na nagpapasalamat si Kim Chiu sa Kapamilya Network sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang kakayahan.
KUMPARA kay Mavy Legaspi, hindi raw mama’s boy si Andres Muhlach. Hindi siya gaanong attached sa kanyang mom na si Charlene Gonzalez. Sakto lang kung siya ay makipag-bonding, at madalas ay nakikinig sa tips at advice ng kanyang dad na si Aga Muhlach.
Marami rin ang nakakapansin na kahit lumaki sa USA si Andres at doon nag-aral, hindi siya nakakalimot sa mga kaugalian ng Pinoy. Hindi siya maangas kumilos at magsalita.
At dahil na rin sa guidance ng kanyang mga magulang na sina Aga at Charlene, lumaki sila ni Atasha na may respeto sa mga elders at nanatiling humble at simpleng kumilos.
Well, may blessing ng kanyang mom at dad ang pagpasok sa showbiz ni Andres.
Payo lang ng ilang mga netizens, baguhin ni Andres ang kanyang hairstyle, ‘yung sunod sa uso at babagay sa kanyang edad.
Sila ni Mavy Legaspi ang bagong henerasyon ng heartthrob sa showbiz. Tiyak na malayo ang mararating nila.
MAGIGING aktibo sa telebisyon ang pamilyang Legaspi sa taong ito. Isang serye ang kanilang gagawin sa GMA-7, ang Hating Kapatid (HK) at inaayos ang mga artistang kasama sa cast.
Follow-up project ito ni Carmina Villarroel pagkatapos ng Abot-Kamay Na Pangarap (AKNP) na pinagsamahan nila ni Jillian Ward.
Well, magiging masaya sina Carmina at Zoren sa taping ng HK dahil kasama nila sina
Cassy at Mavy. Matutulungan nila ang mga anak sa tamang pag-arte sa kanilang role na gagampanan.
Samantala, hanggang ngayon ay isyu pa rin ang diumano’y pakikialam ni Carmina sa love life ng kanyang mga anak na sina Mavy at Cassy. Pero maraming nanay ang nakaka-relate sa sitwasyon ng aktres, nasa tamang lugar daw ang paghihigpit nito sa kanyang mga anak.
Bilang isang ina, ayaw ni Carmina na makitang nasasaktan sina Mavy at Cassy ng mga taong minahal nila.
Hindi naman istriktong mom si Carmina, binibigyan naman niya ng kalayaan sina Mavy at Cassy na mag-enjoy sa buhay habang mga bata pa sila. Iniiwas lang ni Carmina ang mga anak sa mga taong magiging bad influence sa mga ito.
Comentarios