ni Ambet Nabus @Let's See | Feb. 17, 2025
Photo: Eula Valdes - Instagram
Nakakaloka ang kuwento ni Eula Valdez kaugnay ng mga karanasan niya sa mga ‘bagay, elemental o multo’ na nakakaengkuwentro niya kahit noong bata pa raw siya.
“Hindi ko na nga mabilang ‘yung mga eerie experiences ko. Minsan idinadaan ko na lang sa tawa, pang-iisnab o dedma sa kanila,” pahayag nito kapag may mga pagkakataon daw na kinukulit siya ng mga nasabing ‘elemental’.
Kaya raw pala may pagkakataon na napagbibintangan noon ang magaling na aktres na may sayad o something dahil minsan nga ay nagsasalita o ngumingiti itong mag-isa dahil pala sa talagang kinakausap niya ang mga hindi nakikitang ‘bagay o elemental’.
Ilan lang ‘yan sa mga nakakapanghilakbot na topic sa mediacon ng Lilim, ang latest Viva Films movie directed by Mikhail Red na pinagbibidahan din nina Heaven Peralejo, Gold Aceron, Ryza Cenon at marami pang iba.
Nanalo na sa isang international filmfest ang Lilim at base sa trailer na napanood namin, ‘deserve na deserve’ nito ang award dahil tunay itong nakakatakot, kakaiba ang suspense at ang huhusay ng mga bida.
Sa pakikipagpanayam namin kay Jessy Mendiola, aminado itong tuluyan nang nawala ang kanyang pagiging mahiyain sa pagharap sa maraming tao.
“Kung dati, parang may ilang pa po ako, ngayon, wala na. Makapal na rin ang face ko. Hahaha!” tugon nito sa amin.
Simula raw kasi nang mag-decide siyang maging katuwang ni Luis Manzano sa desisyon nitong pasukin ang pulitika, isa na nga raw sa mga talagang inalis niya ang kanyang pagiging sobrang timid.
“Public service is an entirely different field. Dito talaga name-measure ‘yung sincerity, honesty and loyalty, plus ‘yun nga po, ‘yung dedication mo,” sey pa ni Jessy.
Pagsingit ni Luis, “Naku! Alam ninyo ba na sa pag-iikut-ikot namin sa Batangas, lagi s’yang hinahanap at tinatanong ng mga tao. May pagkakataon pa ngang tinatawag nila akong Jessy Mendiola. Hahaha!”
But seriously speaking, mukha ngang sa dami ng natutunan at napag-aaralan ni Jessy sa pulitika, sa mga susunod na panahon ay posibleng pasukin niya rin ito.
Pero sey nito, “Naku, isa-isa lang po muna. Right now, my full 100% support is for my husband. Lahat ng plataporma n’ya at mga balak gawin ay nasa likod lang ako… susuporta at tutulong.”
Pinaghahandaan na rin daw ni Jessy Mendiola ang pagbabalanse ng oras, panahon at pagkalinga para kay Luis Manzano if ever mang manalo itong vice-governor ng Batangas at ang pagiging ina niya sa anak nila at bilang maybahay na punong-abala sa mga bills, gastusin at lahat ng basic needs sa bahay nila.
SI Ariella Arida na ang pumalit kay Shamcey Supsup bilang national director ng Miss Universe-Philippines.
Bunsod ito ng pagpasok na rin sa pulitika ni Shamcey (as partylist representative) na kung papalarin ay magpo-focus daw sa mga gawaing may kinalaman sa infrastructure bilang isa itong ganap na architect.
Naging runner-up sa 2013 Miss Universe si Ariella at pansamantala ring naging TV host sa programa ni Willie Revillame.
May mga nagsasabing ‘downgrade’ (na naman?) ito para sa organization pero para sa beaucon enthusiasts, isa itong malaking levelling up dahil mas makakapokus daw si Ariella sa work nito.
This 2025 edition nga ng Miss Universe-Philippines ang sinasabing ang pinakabongga so far dahil sa mga kandidatang sumali na bukod sa magaganda at matatalino ay mayroon nang mga international titles and experiences.
Comments