ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 23, 2025

Halos isang buwan na ang lumipas mula nang magkaroon ng tatlong malalaking pagkilos ang tatlong koalisyon laban sa kontrobersiyal na 2025 national budget ng Marcos admin at para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Nagtipun-tipon ang mga estudyante ng ilang kolehiyo at unibersidad sa Liwasang Bonfacio. Nagtungo naman ang ilang grupo sa People Power Monument at ang pangatlong grupo ay nag-rally sa EDSA Shrine.
Magandang tingnan ang buhay na diwa ng oposisyon dahil tanda ito ng buhay na demokrasya. Awa naman ng Diyos, hindi pa patay ang demokrasya sa ating bansa. Ngunit, malubha na ang kanyang sakit at aandap-andap na ito. Sa kabila ng paghina ng demokrasya, siya naman ang paglakas ng mga trapo at dinastiyang pamilya. Ito na nga kaya ang inireklamo ni Jose Rizal noon na “nakatatakot na kanser na lumalaganap sa ating lipunan?”
Merong iba’t ibang uri ng kanser. At parang isang uri lamang ang mga trapo at dinastiyang pamilya. Mas malala rito ay ang mas laganap na kanser ng pagkamanhid at kawalan ng pagmamahal at pagmamalasakit sa Inang Bayan. Nasaan na ang milyun-milyong nanindigan at bumaha sa EDSA noong Pebrero 22-25, 1986? Ano na ang nangyari sa nagdaang 39 na taon (mula Pebrero 25, 1986) nang sa wakas, lumayas o napalayas ang diktador at ang kanyang pamilya ng galit ngunit mahinahong mamamayan.
Dalawampu’t isang taong pinagtiisan at nilabanan ng marami ang rehimen ng Marcos. Ngunit, lingid sa marami na hindi nag-aksaya ng panahon ang mga Marcos habang naghahanap ito ng mga paraan at pagkakataong makabalik hindi lang sa bansa kundi mismo sa Malacañang.
Maingat na pagpaplano kasabay ang malalim na bulsa, unti-unting bumalik sila, una sa Senado, pangalawa sa pamahalaang lokal ng Laoag. At sa wakas nakabalik sa Malacañang. Mula Marcos Senior hanggang Marcos Junior, nagtagumpay ang mga trapo at dinastiya hindi lang sa Luzon at Kamaynilaan kundi sa buong bansa.
Ngayong halos 40 taon o apat na dekada nang naghihirap ang Pilipinas sa ilalim ng mga trapong pamilyang dinastiya na hawak ang poder mula Malacañang hanggang Senado, Kamara, hanggang mga lalawigan, siyudad, bayan at barangay, may pag-asa pa bang magbago at bumuti ang kalagayan ng nakararaming maliliit, mahihirap na walang tinig na mamamayan?
Tumataginting na “oo” ang sagot ng iba’t ibang grupong nagkaisa at bumuo ng iisang programa ng paggunita sa apat na araw na EDSA People Power Revolution. Ito ang ipinakita ng tatlong koalisyon ng ‘Tama na; Tindig-Pilipinas at Siklab, at Clergy and Citizens for Good Governance.
Magbabago pa, lalaya at uunlad pa ang mahal nating bansa. Kailangan lang na pagsikapan ng lahat ang pagkakaisa. Nagtanungan ang tatlong grupo, “Puwede ba tayong mag-usap-usap at bumuo ng nagkakaisang programa ng iisang panawagan, iisang tinig at iisang pagkilos?” Ito ang ipinakita ng tatlong malalaking koalisyon noong nakaraang Biyernes, Pebrero 21, 2025.
Sa isang presscon na ginanap sa Parokya ng Madonna de la Strada sa Katipunan, isang tinig, isang sigaw ang ipinadinig ng tatlong grupo sa buong sambayanan, “Isabuhay ang diwa ng People Power! Marcos, singilin! Duterte, panagutin! Sara, litisin!”
Tatlong kulay ang nagtabi-tabi sa isang mahabang lamesa: itim, dilaw at pula. Kulay na hindi hiwa-hiwalay tulad ng magkakaibang kulay ng bahaghari. Magkakasama ang dalawang pari at isang Obispong Katoliko, mga aktibista ng “First Quarter Storm,” mga progresibong grupo na madalas magkakalayo at nag-iiwasan ngunit nagkakaisa ngayon at ang mga kabataan na kaisa ng mga nakatatanda. Kay gandang tingnan ang nagkakaisang oposisyon at hayaan itong magpalakas ng diwa, loob at paninindigan.
Ito ang mensaheng binigyan natin ng diin. Hindi imposibleng magkaisa ang mga nagmamahal sa Inang Bayan. Hindi imposibleng mag-usap-usap, magkaunawaan at magkasundo sa iisang mensahe at pagkilos at makita’t marinig ang nagkakaisang oposisyon. Hindi ba’t ito ang milagro ng EDSA, ang mapayapang pagkakaisa ng buong bayan?
Kaya mula umaga hanggang gabi ng Pebrero 25, 2025, makikita’t maririnig ang nagkakaisang mga grupo na iisa ang ipinaglalaban.
Kung bumaha ng dilaw sa EDSA noong Pebrero 25, 1986, babaha naman ng itim, pula at dilaw sa darating na Martes, sa ika-39 taong anibersaryo ng mapayapang People Power Revolution.
Dahil sa pangunguna nina Marcos junior at Duterte daughter, sampu ng mga trapo’t dinastiya sa buong bansa, pinagkakaisa ninyo ang oposisyon. Maraming-maraming salamat po. Buhay na buhay pa ang diwa ng People Power Revolution!
Comments