ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 8, 2024
Hindi natin maitatanggi na malaking bahagi ng pang-araw-araw nating buhay ay napupunta sa pagtuon sa social media at wala itong pinipiling edad dahil mula bata hanggang matanda ay parang alipin na halos nito.
Napatunayan ang labis na pagkagumon ng maraming Pinoy nang mabulabog ang marami nating kababayan noong nakaraang Martes ng hatinggabi matapos mag-shutdown ang Facebook.
Sabi ng ilang apektado, basta-basta na lamang silang na-log out sa FB o nakakuha ng mensahe na ‘your session has expired.’ Nang sinubukan nila ulit mag-log in, sinasabihan nilang mali ang kanilang password kaya’t nagpapa-change password sila.
Kahit mag-change sila ng password, hindi pa rin sila makapasok sa FB uli kaya’t paulit-ulit nila itong ginagawa.
Ang unang reaksyon ng ilan nating kababayan ay na-hack na ang kanilang account at natakot na baka utangan o hingian ng pera ang nasa kanilang friends list.
Nag-down ang FB bandang alas-11 ng gabi hanggang halos alas-2 ng madaling-araw na ayon sa datos ng Downdetector.com. pinakamaraming nag-report ng alas-11:34 ng gabi noong Martes, March 5, na mayroong 617,270.
Sa Instagram, pinakamaraming nagreklamo ng alas-11:29 ng gabi na umabot sa 95,051 ang report. Sa WhatsApp, may nagreklamo na ng alas-9:02 ng gabi pa lamang at pinakamarami ang nag-report ng alas-12:02 ng hatinggabi ng 362 indibidwal.
Ayon sa Meta na may-ari ng Facebook, naibalik ang serbisyo ng alas-2:22 ng madaling-araw ng Miyerkules.
Malaki ang tiwala ng kumpanya na kahit hindi sila magpaliwanag ay maiintindihan sila ng mga user dahil nga sa alam nilang nakadepende na ang marami nating kababayan sa kanilang sistema.
Magkagayunman ay nagpasalamat naman ang kumpanya sa ipinakitang pasensya ng mga user habang inaayos nito ang app.
Grabe ang idinulot sa ating kaguluhan nang mag-down ang system ng Facebook, kahit hatinggabi ay nabulabog ang marami sa ating mga kababayan. Napakaraming transaksyon ang apektado — ibig sabihin ganyan na katindi ang pagkabaliw ng ating mga kababayan sa social media.
Napakarami kasi nating pinag-uusapan at ginagawa ng personal ang halos naibaling na lahat sa paggamit ng social media, kaya nang panandalian itong nawala ay buong magdamag na hindi nakatulog ang marami nating kababayan, at ang pangyayaring ito ay buong maghapon pa rin na usap-usapan kinabukasan.
Halos buong buhay natin ay iniasa na natin sa socmed, pati ang paglalambingan minsan ng mga magsing-irog ay dito na rin idinadaan, lalo na ‘yung mga may karelasyon na overseas Filipino workers (OFWs) dahil mas madalas sa dis-oras ng gabi lamang nila nakakausap.
May mga magulang na nasa ibang bansa na nagtatrabaho at sa FB o ibang social media platform na lamang pinalalaki ang kanilang mga iniwang anak.
Dumating na tayo sa puntong lahat ng galaw natin sa buhay ay kailangan na ng tulong ng social media, ultimo sa paghahanap ng mga pupuntahang lugar ay nakadepende na rito.
May mga mag-asawa nga na muntik-muntikan nang maghiwalay dahil may mga misis na halos hindi na kinakausap ang kanilang mister dahil sa mas maraming oras na ginugugol sa socmed.
Maraming mabuting dulot naman sa atin ang social media, pero tama bang halos lahat na lang ay iasa na natin sa teknolohiyang ito? Sana lang ay makatulong ito sa pag-usad ng bawat isa at hindi makabagal pa sa pag-unlad.
Sa nangyaring ito, isang maliwanag na indikasyon na matindi na ang ating pagka-depende sa social media at hindi ko alam kong positibo pa ba itong matatawag o mayroong masamang epekto.
May ilan nga tayong kababayan na kapag umalis ng bahay at naiwan ang cellphone, kahit malayo na ay bumabalik pa para kunin lang ang naiwang cellphone.
Meron namang sirang-sira ang araw kapag ang lugar na pinuntahan niya ay walang signal dahil tiyak na hindi sila maiintindihan ng nagagalit na misis kung bakit hindi sila nagre-reply.
Hindi na tayo makakaatras sa sitwasyong ito, kaya ang tanong natin sa ngayon ay kaya pa ba nating mabuhay ng walang koneksyon ng social media?
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentários