top of page
Search
BULGAR

Kaya mo bang bitawan ang bisyo at obligasyon sa pamilya?... Senyales na ‘di ka pa puwedeng mag-asawa

ni Justine Daguno - @Life and Style | October 29, 2020




Kailan ba masasabing handa na ang isang tao sa pag-aasawa?


‘Ika nga nila, ang “buhay pag-aasawa” ay simpleng mga salita lamang, pero ang totoo ay major decision ito kung saan tunay na magbabago ang buhay natin sa puntong gawin ito.


Marami sa atin ang isa o kabilang ito sa kanilang timeline o plano sa buhay. Sa paniniwalang ito ang kukumpleto sa kanila o kasama sa nature ng tao ang pag-aasawa.


Sa kabila nito, anu-ano nga ba ang mga signs na hindi ka pa handang mag-asawa?

1. HINDI PA KAYANG IWAN ANG BISYO. Katwiran ng iba, nakilala mo siya ng ganyan at tinanggap mo ‘yun, kaya walang dapat baguhin. Well, isa sa mga “consequences” ng pag-aasawa ay ang pagbitiw sa bisyo sapagkat maraming aspeto ang maaapektuhan nito tulad ng finances, health at iba pa. Sa pagbuo ng pamilya, may mai-involve na bata, kaya dapat mag-adjust kayo at hindi ‘yung mga anak ang mag-a-adjust sa inyo. Kung hindi kayang iwan ang bad habit ay ‘wag ipilit, ‘wag munang mag-asawa.

2. MAY OBLIGASYON PA SA PAMILYA. Magkakaiba ang setup ng bawat pamilya. May mga masuwerte na walang responsibilidad o sarili lang ang iniintindi at meron din namang mga breadwinner. Kung may obligasyon pa sa pamilya, ‘di magandang ideya ang mag-asawa agad. Ibang usapan na kapag higit sa isang pamilya ang kailangang suportahan. Palaging alamin ang limitasyon.

3. WALA SA PLANO ANG PAGBUKOD NG TIRAHAN. Isa sa mga dapat i-consider sa pag-aasawa ay ang pagbukod ng tirahan sa parents o in-laws. Wala namang problema sa setup ng karaniwang Pinoy family na sama-sama sa iisang bubong, pero iba talaga kapag kayo lang sa bahay. Bukod sa privacy, mas maggo-grow kayo kapag walang nakikialam o nakikisawsaw sa paggawa ninyo ng desisyon, na mahalaga sa buhay mag-asawa.

4. NAG-E-ENJOY PA SA BUHAY-SINGLE. Kapag may pamilya na, limitado na ang mga bagay dahil mag-iiba na ang iyong priority. Hindi na puwedeng magpuyat sa cellphone o computer games, wala nang magdamagang inuman at hindi na rin basta makakapaggala kung saan-saan. Sulitin muna ang buhay-single dahil walang “replay button” once na nakapag-commit na sa pag-aasawa.

5. MAGKAIBA KAYO NG GOAL NG PARTNER MO. Make sure na pareho ang goal o plano ninyo sa buhay ng partner mo. Mahirap makisama sa taong malabo kausap o hindi kayo nagkakaintindihan. Bago magpakasal, siguraduhing kilala at alam mo kung paano siya mag-isip, magdesisyon o magplano para sa inyong future. Walang divorce sa ‘Pinas, samantalang malaki naman ang gastusan at mahabang proseso ang annulment.

6. WALANG SOLID NA SOURCE OF INCOME. Maraming aspeto ang kailangang siguraduhin bago mag-asawa at isa sa mga ito ay ang aspetong pinansiyal. Mag-ipon muna nang mag-ipon para sa future ninyo. Totoong hindi lahat ay umiikot sa materyal na bagay o pera, pero aminin man natin o hindi, kailangan ‘yun. Realtalk, ‘di totoo ‘yung, “If we’re hungry, love will keep us alive.”

Well, anuman ang status mo ngayon sa buhay — single, taken o complicated — tandaan na ang paggawa ng desisyon, partikular ang mga major decision ay kailangang gamitan ng isip at sapat na panahon, hindi ‘yung puro lang emosyon. Gets mo?

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page