ni Ador V. Saluta @Adore Me! | September 13, 2023
Ikinuwento ng actress na si Matet de Leon ang kanyang karanasan sa pagpila sa person with disability lane (PWD) nang minsan siyang magpunta sa isang supermarket.
Sa kanyang post, ibinahagi ng actress na pinagtitinginan umano siya ng mga tao sa supermarket matapos niyang pumila sa lane ng mga taong may kapansanan. Kinalabit pa umano siya ng isang yayamaning babae at pinapalipat siya ng lane.
Paliwanag ni Matet kung bakit siya pumila sa PWD lane, “I have bipolar disorder. I’m a PWD.
Hindi halata? Kaya pala pinagtitinginan ako kanina sa isang supermarket. Kinalabit pa ako ng isang babaeng yayamanin at pinapalipat ng lane.”
Kahit na pasok sa PWD category ang kanyang health condition, umamin ang actress na hindi niya maiwasang mahiya sa tuwing nakapila siya sa nasabing lane.
“Hiyang-hiya ako. Pati sa sarili ko… Pumila kasi ako sa PWD lane.. Wala akong kasunod na senior o may visible disability, kaya nag-decide ako na doon na pumila. Kung saan ako dapat,” sabi ni Matet.
“Ang hirap ng kalagayan naming may mental health issues na hindi nakikita ng iba.. Sanay sila na ang may mental illness, nagtutulo ang laway o nagsasalita mag-isa. Sana, sa lahat ng makakabasa nito, mag-ingat.
“Guys, hindi madali ang malagay sa sitwasyon namin. Sana, huwag nang pabigatin pa ng iba.
Sana, huwag nang paabutin pa sa kailangan na naming isabit sa leeg namin ‘yung mga IDs namin," mensahe pa ng actress.
May payo si Matet sa mga kagaya niyang PWD, "At sa mga kagaya ko, na kaya naman magtiis nang sandali, paunahin ang mga matatanda at ‘yung talagang makikita ninyong hirap nang pumila. ‘Yun lang."
Maraming PWD netizens ang naka-relate sa naturang post ni Matet dahil nakaranas na rin sila ng kaparehong insidente, kaya’t ipinahayag nila ang kani-kanilang karanasan at suporta sa actress.
تعليقات