ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 25, 2021
Gumawa ng bagong kasaysayan ang Kaya Football Club Iloilo at nakapasok sila sa group stages ng prestihiyosong 2021 AFC Champions League (ACL) matapos ang isang nakakapanabik na 1-0 panalo sa Shanghai Port ng Tsina Miyerkules ng gabi sa Leo Stadium. Inulo papasok ni midfielder Audie Menzi ang nag-iisang goal sa ika-17 minuto galing sa corner kick para sa pinakamalaking tagumpay buhat na maitatag ang koponan noong 1996.
Lumabas na si Menzi, ang pambato ng Benguet at Far Eastern University, ang sorpresa ng Kaya at dahil sa kanyang goal ay lalong umangat ang laro ng kanyang mga kakampi pagsapit ng second half. Kahit pinalaro ang kanilang mga reserba lang, naging mahirap na kalaban ang Shanghai at nagbanta ng ilang beses subalit napigil ito ni goalkeeper Michael Louie Casas upang hindi magbago ang resulta.
Hindi na uuwi ng Pilipinas at maghahanda na ang Kaya para sa kanilang opisyal na unang laban sa Grupo F ng ACL kontra punong abala BG Pathum United ng Thailand ngayong Sabado simula 6:00 ng gabi sa Leo Stadium muli. Ang BG Pathum ang kampeon ng 2020-2021 Thai League One at kasama sa kanilang manlalaro ang Philippine Azkals na si Kevin Ingreso.
Ang iba pang mga parating na laro ay laban sa Viettel ng Vietnam sa Hunyo 29 at defending ACL champion Ulsan Hyundai ng Timog Korea sa Hulyo 2. Magkikita muli ang apat na koponan sa isa pang round robin mula Hulyo 5 hanggang 11.
Dahil sa kanilang panalo, hindi na maglalaro ang Kaya sa 2021 AFC Cup at mananatiling bakante ang kanilang puwesto dahil walang kapalit na koponan galing Philippines Football League (PFL). Hindi din tiyak kung matutuloy ang nasabing torneo sa Hunyo 30 matapos umatras ang Singapore bilang punong abala ng mga laro sa ASEAN group stages.
Comments