ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 28, 2024
Photo: KAYA Futbol Club - FB
Mga laro ngayong Huwebes
6 PM Jeonbuk vs. Cebu (Jeonju)
8 PM Kaya vs. Sanfreece (Rizal Memorial)
Galing sa inspiradong resulta sa nakaraang laro, bitbit ng Kaya FC Iloilo ng Philippines Football League ang positibong enerhiya sa pagsalubong sa bisitang Sanfreece Hiroshima ng Japan sa pagpapatuloy ng 2024-2025 AFC Champions League Two ngayong Huwebes sa Rizal Memorial Stadium.
Susubukan ng Kaya na sundan ang 2-1 tagumpay sa Eastern SC noong Nobyembre 7 ngunit magiging mas malaking hamon ang nangungunang koponang Hapon.
Bilang huling laro ng Kaya sa tahanan, maliban sa pagpapabuti ng pag-asa na makasingit sa playoffs ay gusto nilang makapagtala ng kahit isang magandang resulta sa harap ng mga kababayan.
Pantay sa tatlong puntos ang Kaya at Eastern at maaari pa nilang mahabol ang pumapangalawang Sydney FC ng Australia na may 6 na puntos habang ang Sanfreece ang nag-iisang kalahok na may perpekto 12 puntos sa apat na panalo.
Tinalo ng Sanfreece ang Kaya, 3-0, noong Setyembre 19 sa Hiroshima. Kasalukuyang pangalawa din sila sa J League na may 18 panalo, 11 tabla at pitong talo. Sasandal muli ang Kaya sa husay nina Daizo Horikoshi at beterano Robert Lopez Mendy na malaki ang papel sa panalo sa Eastern.
Mamimili si Coach Yu Hoshide kay Walid Birrou o Patrick Deyto para sa mahalagang posisyon ng goalkeeper. Samantala, lumakbay ang Dynamic Herb Cebu para harapin ng Jeonbuk Hyundai ng Timog Korea sa Jeonju.
Mabigat na paborito ang mga Koreano na ulitin ang 6-0 panalo sa Gentle Giants noong Setyembre 19 sa Rizal Memorial. Kasalukuyang numero uno ang Jeonbuk sa Grupo H na may siyam na puntos buhat sa tatlong panalo at isang talo.
Comments