ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Feb. 5, 2025
Humingi pala ng bakasyon si Vice Ganda sa management ng ABS-CBN para makapag-recharge, unwind at refresh kaya absent ito sa It’s Showtime.
Nangarag umano ang kanyang katawan sa sunud-sunod na trabaho sa nagdaang holiday season mula noong December dahil tinutukan niya ang promo ng kanyang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na And The Breadwinner Is… (ATBI) na siyang No. 1 box office hit sa nakaraang filmfest.
Kasunod nito’y ang preparasyon ni Vice para sa Tawag ng Tanghalan: Grand Champion (TNT) sa It’s Showtime (IS) last January.
“I needed a break,” pabiro niyang sambit, kaya agad naman siyang pinayagan nang magsabi siyang gusto niyang mag-Dubai.
Kasama niya ang asawang si Ion Perez sa mahigit na isang linggong bakasyon.
Dahil fully charged, ganado na uli si Vice sa kanyang pagbabalik-Pilipinas at sumabak agad sa trabaho.
Sa eksklusibong panayam ni MJ Felipe para sa ABS-CBN News, naitanong kay Vice kung kumusta ang biyahe nila ni Ion sa Dubai.
Sabi ng comedian-TV host, sobrang enjoy at na-relax sila sa ilang araw na pahinga.
Ani Vice, “Ang sarap, ang saya, masarap sa pakiramdam. Nakapagpahinga ang katawan, ang isip. Nakapag-relax-relax din. Kasi siyempre, nu’ng filmfest season, ngaragan talaga — katawan, utak, lahat, kaluluwa — ubusan. So, nakapag-recharge.”
Timing din ang celebration ni Vice sa kanyang biyahe sa Dubai dahil inilabas na rin ang resulta sa box office ng MMFF 2024, kung saan ang pinagbidahan niyang ATBI ang nanguna.
Kaya naman, walang pagsidlan ng saya si Vice.
Aniya, “Oh, thank you, Lord. Thank you sa ABS-CBN, sa Star Cinema. Thank you kay Direk Jun Lana (director ng ATBI).”
Patuloy pa niya, “Maraming-maraming salamat sa madlang people. Maraming salamat. Ang sarap.”
Dahil sa patuloy pa ring pagtangkilik sa kanya ng madlang pipol, nagkasa si Vice ng kanyang plano this year.
Saad niya, “This year, I’m planning to have a big concert sa Araneta. And I’m doing another film again this year. Hindi ako mag-i-skip, magpepelikula ako ulit.”
Tinanong ni MJ Felipe kung ang gagawin niyang movie ay para sa MMFF 2025.
Aniya, “Let’s see. Hindi pa natin alam.”
Ang tanging nasabi ni Vice ay sobra siyang na-inspire dahil sa tagumpay ng ATBI sa takilya.
Sabi ng Unkabogable Star, “Na-renew, na-recharge, na-inspire ako lalo. Lalo na after nu’ng outcome ng film festival, mas lalong nakakagigil.
“Masyadong ang sarap. Tara, ‘di ba? Kilos tayo ulit. Laban tayo ulit. Kasi, ‘yun nga, ‘yung outcome ng entry natin sa Metro Manila Film Festival.
“Ang dami n’yang vinalidate. Ang dami n’yang ibinigay sa ‘kin na realization.
“At ang pinakamahalagang realization doon, ‘Ay, mahal na mahal pa rin nila ako. Ako pa rin ‘yung pinipili nila. Gusto pa rin nila ako.’
“Ang sarap sa pakiramdam. Kaya lalo akong sumisigla. Lalo akong inspired and fired up,” pahayag ng Unkabogable Star.
Comments