ni Anthony E. Servinio @Sports | June 18, 2023
Pamumunuan ng 2023 Philippines Football League (PFL) champion Kaya FC Iloilo ang 17 koponan na sasabak sa 2023 Copa Paulino Alcantara na magbubukas ngayong Hulyo 15.
Ginanap ang opisyal na bunutan sa tanggapan ng Philippine Football Federation sa Pasig City kung saan nagbuo ng tatlong grupo.
Asahan na magiging mainitan ang labanan sa Grupo A kung saan nabunot ang Kaya at UAAP Season 85 champion Far Eastern University. Sasamahan sila ng mga dating kasapi ng PFL na Loyola FC at Philippine Air Force at Inter Manila FC at Don Bosco Garelli FC.
Lima lang ang nasa Grupo B sa pangunguna ng PFL runner-up Dynamic Herb Cebu FC at Maharlika Manila FC. Hahamunin sila ng University of the Philippines, Pilipinas Dragons FC at Manila Digger FC.
Ang PFL third place Stallion Laguna FC at Mendiola FC 1991 ang tampok sa Grupo C. Nandiyan din ang Davao Aguilas-University of Makati, Adamson University, Tuloy FC at Philippine Army.
Maglalaro ang bawat grupo ng single round at ang dalawang pinakamataas sa bawat grupo at ang dalawang pinakamataas ang kartada sa mga magtatapos ng pangatlo ay tutuloy sa playoffs. Ang quarterfinals at semifinals ay pataasan ng pinagsamang iskor sa dalawang laro habang ang finals ay winner take all.
Comentarios