ni Anthony E. Servinio @Sports | July 9, 2024
Laro ngayong Miyerkules – Rizal Memorial
4 p.m. One Taguig vs. Manila Digger
Matagumpay na nanatili sa Kaya FC Iloilo ang kampeonato ng 2024 Philippines Football League (PFL) matapos ang pinaghirapang 1-0 panalo sa Davao Aguilas Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Inihatid ni Jarvey Gayoso ang nag-iisang goal para sa ikalawang sunod na kampeonato ng koponan sa pambansang liga.
Pinatawan ng penalty si Reynald Villareal ng Aguilas matapos ang labis na foul kay Gayoso malapit sa goal at walang-kabang ipinasok niya ang penalty kick sa ika-18 minuto – ang kanyang ika-23 ng torneo at lalong nagpatibay ng kanyang liderato para sa Golden Boot o pinakamaraming goal. Naging bayani rin si goalkeeper Walid Birrou na sinuntok palayo ang magpapatabla sana na penalty kick ni Ibrahima Ndour sa ika-83 at mula doon ay kumapit ng husto ang Kaya upang masigurado ang resulta.
Umakyat ang Kaya sa 37 puntos mula 12 panalo at isang tabla. Hindi na ito mahahabol ng pumapangalawang Dynamic Herb Cebu na may 33 galing 11 panalo at dalawang talo. Nakatanggap ang Kaya ng “tulong” mula sa malupit na karibal Stallion Laguna FC na ginulat ang mga Cebuano noong Sabado, 2-1, sa Borromeo Sports Complex. Bumira ng mga goal sina Magson Dourado (57’) at Griffin McDaniel (61’) bago ang konsuwelo ni Rintaro Hama (90’).
Ayon kay PFL Commissioner Mikhael Torre, pormal na igagawad ang korona sa Kaya matapos ang laro nila sa Loyola. Magkakaroon ng bihirang laro ng PFL ngayong Miyerkules sa pagitan ng One Taguig FC at Manila Digger sa Rizal Memorial simula 4 p.m. ang laro na gaganapin dapat noong Hunyo 8.
コメント