top of page
Search
BULGAR

Kaya buhay sila ni Julia… SERYE NI COCO, MAY PART 2 PA!

ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | August 14, 2022



Pagkatapos ng pitong taong pagsubaybay sa longest-running action-series na FPJ's Ang Probinsyano, namaalam na ang teleserye nitong August 12 (Friday) sa mga viewers ng Kapamilya channels.


Umabot sa 536,543 ang concurrent live viewers o sabayang panonood ng madlang pipol sa YouTube platforms pa lamang at hindi pa kasali ang mga nanood sa TV5, A2Z, iWantTFC at iba pang platforms.


Makapigil-hininga ang finale episode dahil halos namatay lahat ang Task Force Agila at tanging sina Coco Martin a.k.a. Cardo Dalisay at Rowell Santiago sa role na President Oscar Hidalgo na pangulo ng bansa ang natirang Agila sa pakikipaglaban sa mga terorista.


Pinatunayan ni Coco o Cardo ang pagiging imortal o walang kamatayan hanggang sa huling gabi ng pag-ere ng serye, isang tradisyong Pinoy na hindi pinapatay ang bida, mapasa-telebisyon man o pelikula.


Walang naniwalang namatay ang karakter ni Coco sa Ang Probinsyano nang ipakita siyang duguan sa dami ng tama ng bala sa katawan.


Natatawang sabi ng isang netizen at BULGAR reader na si Rey Cayetano ng Provident Village, Marikina City, "As usual, sa 'Pinas, 'pag bida, walang kamatayan, kahit pa sandosenang bomba ang iputok sa kanyang daraanan. Hindi mamamatay ang bida.


Imagine, nabuhay pa rin si Cardo sa kabila ng sangkatutak na mga balang tumama sa kanyang katawan mula sa naglalakihang baril na gamit ng mga kalaban niya. Ayaw ng fans na namamatay ang bida."


Napagod ang mga televiewers sa panonood sa extended shootout scenes ng mga karakter sa Ang Probinsyano.


"Dyusme, kaya hindi umaasenso ang ating mga programa, wala ring namamatay sa mga kalaban, parang mga zombies na pagkatapos barilin ay tumatayo ulit. Parang 'di nababawasan kahit nakikitang marami ang tinatamaan sa kanila?" dagdag pa ng isang netizen.


Samantala, nakakaantig ng puso ang pagliligtas ni Cardo kay Pres. Hidalgo na iniligaw ang mga terorista para siya na lang ang habulin at isalba ang pangulo.


Pinalibutan si Cardo ng mga kalaban at pinaulanan ng bala hanggang sa iniwang parang wala nang buhay. Dito naman sumaklolo si Pres. Hidalgo na siyang nakapatay kina John Estrada at Raymond Bagatsing.


Sa ending, makikitang nagbibigay ng mensahe si Rowell bilang pangulo sa slain members ng Agila kung saa'y nag-alay ng heroes burial.


Si Cardo naman ay nakitang nagpapagaling sa ospital kung saa'y dinalaw siya ng ilang natitirang cast ng AP. Dito nalaman ni Cardo na namatay na si Lola Flora at hindi na siya nakitang buhay sa pakikipaglaban sa mga terorista.


Madrama ang eksena ni Cardo sa ospital, pang-award, 'ika nga.


Sa ending, labis ang pasasalamat ni Pres. Oscar at may inilaang puwesto kay Cardo para pamunuan ang hukbong sandatahan, subali't tinanggihan ito ni Cardo at nakiusap na haharapin muna niya ang mga naiwang pamilya sa kanyang probinsiya.


Sa pagwawakas ng AP, binigyan ng importansiya ang Lola Flora character ni Susan Roces. Ipinasilip ang mga eksena ni Susan as Lola Flor noong nabubuhay pa siya.


Bago pa ang pagtatapos ng AP, sumakabilang-buhay na ang Queen of Philippine Movies noong May 20, 2022.


Sa eksenang dinalaw ni Cardo ang puntod ni Lola Flora sa sementeryo, makikitang ang tunay na birthdate at araw ng kamatayan ni Susan ang nakalagay sa lapida ni Flora Borja-De Leon.


Binigyan din ng pagpapahalaga si Sharon Cuneta sa pagwawakas ng Ang Probinsyano dahil sa wedding day nila ni Rowell na may breakdown scene, na isa ring eksena na sa serye lang masasaksihan.


Samantala, ikinagulat ng mga sumusubaybay sa action-drama series ni Coco ang paglitaw ni Julia Montes sa huling eksena dahil sa biglang pagkabuhay ng kanyang karakter.


Napadaan si Cardo sa tabi ng dagat at kanyang napansin ang nakatayong babae na hinintuan niya at nilapitan na nagkataong si Mara (Julia Montes).


Kaya naman tumibay ang tsismis na magkakaroon pa ng part 2 ang serye ni Coco at si Julia ang kanyang makakapareha.


So, abangan!


0 comments

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page