ni Ambet Nabus @Let's See | Dec. 22, 2024
Photo: Maine at Tash - Instagram
“Ganyan talaga ang kalakaran. Everybody needs to understand,” ang tila may himig hinampong emote ng mga supporters ni Maine Mendoza.
Sa halos buong promo season daw kasi ng pag-promote ng MMFF entry na The Kingdom (TK) sa Eat…Bulaga! (EB!) show, ni hindi raw nagawang maisingit man lang ni Maine ang entry ng kanyang asawang si Arjo Atayde.
“Hindi naman siguro s’ya pinagbawalang banggitin o ano, pero siyempre, dahil talent lang s’ya ng show, kung ano lang ang ipagagawa sa kanya, ‘yun lang ‘yun,” komento pa ng mga fans ni Maine.
Sa ilang pagkakataon daw kasing binisita ni Papa Piolo Pascual ang show, talagang bugbog sa promo ang TK and nothing but the film entry lang ang topic ng diskusyon o kuwentuhan ng Dabarkads.
Lahat kumbaga ay obligado na sumali sa promo ng entry nina Bossing Vic, Piolo, etc.. Ni hindi talaga makasingit man lang na i-mention ang title ng kahit anong entry except nga ang TK.
Kaya nga raw dedma na rin siguro si Atasha Muhlach na banggitin ang movie ng kanyang daddy na si Aga dahil feel din nitong hindi siya pagbibigyan na banggitin ang Uninvited film ng ama.
Kani-kanyang teritoryo lang ‘yan, ‘ika nga.
Napanood na namin nang buo ang Green Bones (GB) kasama ang mga bida at mga VIP guests ng GMA Network.
As expected, hindi kami nagkamali sa pagsasabing worth our time and effort ang panonood namin dahil napakaganda ng movie.
Kahit ang mga award-winning journalists gaya nina Jessica Soho, Atom Araullo, Howie Severino, Kara David at mga big bosses led by Ma’m Annette Gozon, Ma’am Lilybeth Rasonable at ang mahal naming tugang na National Artist Ricky Lee ay halatang-halatang umiyak sa ganda ng movie.
Dedmahan na lang kami sa pagpunas ng aming mga luha dahil tunay namang nakakaantig ang kuwento, napakasimple pero ‘yung execution at treatment ni Direk Zig Dulay ay very relatable naman talaga.
Hindi man ito perpekto sa teknikal na aspeto, pero sa husay nina Dennis Trillo at Ruru Madrid, Alessandra de Rossi, ‘yung batang babae na gumanap na Ruth, sina Wendell Ramos, Nonie Buencamino, Ronnie Lazaro and the rest of the cast, hindi mo na papansinin ang maliliit na lapses.
Shoo-in for Best Actor si Dennis dito dahil ibang klase ang pag-atake niya sa role niya with matching sign language pa at tunay namang heartfelt.
Maging si Dennis ay nakita naming umiiyak at namumugto ang mga mata after the movie, pati ang asawa niyang si Jennylyn Mercado na kasama niya sa premiere.
Bigla naman naming naisip ang award-winning performance ni Charito Solis sa Karnal sa husay ng pagka-narrate ni Ruru Madrid. Hindi rin kami magugulat kung magwagi siya ng award for Green Bones.
Well, mahusay talaga ang mga mata ni Direk Zig sa mga locations na nagsasalita — mapa-dagat man o bundok. ‘Yung tree of hope na ginamit, wow na wow ang importansiya sa kuwento.
Naku, kulang ang aming espasyo upang ilarawan ang kabuuang husay at ganda ng GB.
Basta inirerekomenda naming isa ito sa inyong unahing panoorin come December 25 at hindi kami mapapahiya sa inyo.
Magbaon lang kayo ng tissue dahil tiyak na iiyak kayo. Hahaha!
Gaya rin naman sa It’s Showtime (IS) na kahit nasa GMA-7 ay hindi rin daw nakitaan na isali man lang kahit sa spiels ang Green Bones (GB) entry na produced by GMA Pictures.
Teritoryo nga naman ‘yun ng And The Breadwinner Is… (ATBI) ni Meme Vice Ganda, kaya’t priority at malamang na exclusive rin ang film entry sa show na siya rin ang pinaka-bida.
Napansin nga rin ng ilang netizens ang naging guesting ni Eugene Domingo sa show kamakailan. Parehong kasali sa dalawang MMFF entries si Uge, pero ang ATBI lang ang puwede niyang banggitin sa IS.
Understandable naman but come to think of this, kapag ang mga artista ang nagsasabing may collab na wala nang network war at mga kagayang kuda, nagiging kapani-paniwala pa ba sila with this kind of actions?
Ay, hindi nga ba’t may kumakalat na isyu na diumano'y pinakiusapang umalis at mag-cover ng isang presscon ang isang taga-TV5 correspondent dahil hindi nga raw ito “feel makita” ng nagbibida sa isang MMFF entry not because of him/her as a correspondent, kundi dahil sa network na umano’y nire-represent niya?
‘Yun, oh!!!
Comments