ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 6, 2025
Photo: Kawhi Leonard - LA Clippers - IG
Sa loob ng 24 oras ay nag-overtime muli subalit iba ang resulta at gumanti ang bisitang Denver Nuggets sa San Antonio Spurs, 122-111, sa NBA kahapon sa Frost Bank Center. Balik-aksiyon din si Kawhi Leonard matapos lumiban sa unang 34 laro at wagi ang kanyang L.A. Clippers sa Atlanta Hawks, 131-105.
Itinapik ni Devin Vassell ng Spurs ang sarili niyang mintis para ipilit ang overtime, 108-108, at 14 segundo sa orasan. Tiniyak ni Nikola Jokic na hindi mauulit ang nangyari sa 110-113 pagkabigo sa Spurs at mag-isang ipinasok ang unang 7 puntos ng overtime para lumayo agad ang Nuggets, 115-108.
Nagtapos si Jokic na may 9 ng kanyang 46 sa overtime na may kasamang 10 assist. Lamang ang Spurs sa simula ng huling quarter, 92-81 at humabol ang Denver sa likod ni Michael Porter Jr. na ginawa ang 10 ng kanyang 28.
Hindi masyadong pumuntos ang tinaguriang “The Klaw” at nagtala ng 12 sa unang tatlong quarter at hindi na ginamit sa huli pero lumaki pa rin sa 124-96 ang bentahe. Pitong iba pang kakampi ang may 10 o higit sa pangunguna ni Norman Powell na may 20 para sa kanilang ika-20 panalo sa 35 laro.
Ibang inspirasyon ang hatid ng dating MVP Derrick Rose at tinambakan ng Chicago Bulls ang New York Knicks, 139-126. Parehong nagbagsak ng tig-33 sina Zach LaVine at Coby White kasabay ng pormal na pagpugay kay Rose ng koponan niya mula 2008 hanggang 2016.
Naghayag ang Bulls na ireretiro ang numero ng uniporme ni Rose na 1 sa susunod na taon at tatabihan nito ang mga naunang 4 (Jerry Sloan), 10 (Bob Love), 23 (Michael Jordan) at 33 (Scottie Pippen). Laman ng usapan na kinukuha si Rose ng Filipino Club Strong Group Athletics sa Dubai International Championship sa katapusan ng buwan.
Comments