ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 16, 2021
Ang pagsapit ng ika-18 kaarawan ng kababaihan ay mahalagang bahagi ng kanilang buhay. Ito ang edad ng pagpasok sa kabanata ng pagdadalaga. Sa mga nagpapasyang idaos ito sa pamamagitan ng debut, ang pagdiriwang na ito ang nagsisilbing pormal na pagpapakilala sa kanila sa lipunan bilang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang saya ng pagiging debutante at mga karanasan ng isang dalaga ay hindi na natamasa ni Arianne Reese Verchez, anak nina Mang David R. Delos Reyes, Jr. at Aling Maricar Verchez, ng Metro Manila.
Si Arianne Reese, 18, dating estudyante sa isang unibersidad sa Caloocan City ay namatay noong Hulyo 21, 2018 sa isang ospital sa Quezon City. Siya ang ika-72 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay isang beses na nabakunahan ng Dengvaxia sa Valenzuela City, na isinagawa ng barangay health workers noong Nobyembre 6, 2017.
Walang screening, blood o diagnostic test at informed consent bago siya tinurukan, ayon sa kanyang mga magulang. Hindi rin ipinaalam sa kanila ang mga side effects na puwedeng ikapeligro ng buhay.
Noong ikalawang linggo ng Pebrero, 2018, una siyang nakaramdam ng hirap sa paghinga, na sinabayan ng lagnat, ubo at sipon. Wala rin siyang ganang kumain. Bumubuti naman ang kanyang kalagayan kapag siya ay gumagamit ng nebulizer. Muli siyang nagreklamo ng hirap sa paghinga noong ikalawang linggo ng Marso, 2018. Noong Abril 11, 2018, dahil pabalik-balik ang hirap niya sa paghinga at hindi gumagaling ang kanyang ubo na may kasamang plema at sipon, siya ay dinala sa isang ospital sa Quezon City. Siya ay in-x-ray at napag-alaman na hazy ang ibabang bahagi ng kanyang baga. Ayon sa doktor, possible tuberculosis ang sakit niya. Niresetahan siya ng mga gamot tulad ng antibiotics at sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangang obserbahan si Arianne Reese ng ilang linggo. Naging pabalik-balik ang kanyang pag-ubo, sipon at lagnat.
Nadagdagan ang mga nararamdaman ni Arianne Reese noong Abril 13, 2018 hanggang Hulyo 21, 2018. Narito ang mga kaugnay na detalye:
Abril 13 - Umabot sa 39.9 degrees centigrade ang lagnat niya.
Abril 23 - Ibinalik siya sa pinagdalhan na ospital sa Quezon City. Siya ay muling isinailalim sa x-ray at nakitang lumala ang kondisyon ng kanyang baga. Kinaumagahan, in-admit siya sa nasabing ospital. Ayon sa doktor, siya ay may pneumonia at pleural effusion. Bumuti naman ang kalagayan niya sa sumunod na mga araw.
Mayo 11 - Inilabas sa ospital si Arianne Reese, ngunit tuloy-tuloy pa rin ang kanyang gamutan.
Hunyo 23 - Muli siyang nagkalagnat at nawala naman ito kinabukasan.
Hunyo, huling linggo - Sumakit ang kanyang ulo at tiyan. Naglalagas din ang kanyang buhok.
Hulyo 7 - Muli siyang nagkalagnat at nagkaubo.
Hulyo 8 - Nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan.
Hulyo 12 - Nagtuloy-tuloy ang kanyang lagnat sa mga sumunod na araw kaya siya ay dinala sa isang health center sa Valenzuela City. Ayon sa doktor, may urinary tract infection (UTI) si Arianne Reese.
Hulyo 16 at 18 - Dahil hindi nawawala ang kanyang lagnat, dinala siya sa isang ospital sa Quezon City at isinailalim sa iba’t ibang laboratory tests at wala namang nakitang hindi maganda sa kalusugan niya kaya noong Hulyo 18, 2018 ay lumabas na siya sa ospital.
Sa mga sumunod na petsa ng Hulyo 2018, lumubha ang kondisyon ni Arianne Reese at ito ay humantong sa kanyang kamatayan.
Hulyo 19 - Nawawalan siya ng balanse sa tuwing siya ay naglalakad. Nagreklamo rin siyang lumalabo ang kanyang paningin at nananakit ang buo niyang katawan. Anang kanyang mga magulang, “Dala marahil ng kanyang paglabo ng paningin kaya siya nawawalan ng balanse.”
Hulyo 20 - Alas-4:30 ng hapon, naihi sa higaan si Arianne Reese. Sumakit ang kanyang ulo at mga ilang sandali ay nanigas ang kanyang kamay at siya ay lumupaypay. Dahil du’n, isinugod siya sa ibang ospital sa Quezon City, bandang alas-6:00 ng gabi at siya ay isinailalim sa CT-scan. Wala na siyang response at base sa resulta ng kanyang CT-Scan ay namamaga ang kanyang utak.
Hulyo 21- Inilipat siya sa ICU ng ospital dahil kritikal na ang kanyang kalagayan. Ilang beses din siyang nag-agaw-buhay at sinubukang i-revive, subalit pagsapit ng alas-6:00 ng umaga ay namatay na si Arianne Reese.
Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit para sa amin ng biglaang pagpanaw ni Arianne Reese. Isang masigla at malusog na bata ang aming anak. Maging sa aming pamilya ay walang nagkaroon ng ganitong uri ng sakit na katulad ng ikinamatay niya. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang bakunang itinurok sa aming anak ay makapagbibigay-proteksiyon sa kanya.”
Pumanaw si Arianne Reese sa panahon ng kanyang pagdadalaga. Hindi na siya nakasama ng kanyang mga magulang sa mahalagang bahagi na ito ng kanyang buhay, ganundin sa mga susunod pa sanang kabanata ng kanyang kasaysayan.
Ramdam pa rin nina Mang David at Aling Maricar ang panghihinayang sa buhay ng kanilang anak, lalo na ang pighati sa pagkawala nito. Sa ngayon, namamayani ang pagpupursige nilang mabigyan ng katarungan ang kanilang anak, sa pamamagitan ng paglapit at paghingi nila ng tulong sa PAO, sa inyong lingkod at PAO Forensic Laboratory Division na aming tinutugunan.
Comments