ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 7, 2020
Nitong nakaraang linggo ay umabot na naman sa halos 100-katao ang iniulat ng Inter-Agency Task Force (IATF) na nasakote dahil sa tahasang paglabag sa napakasimpleng health protocol na paulit-ulit na ipinapalala sa atin araw-araw.
Pitong buwan na ang paghihirap nating lahat para lamang huwag nang dumami pa ang kaso ng COVID-19 ngunit hindi talaga natin maintindihan kung bakit marami sa ating mga kababayan ang wala talagang disiplina.
Napakarami nang binawian ng buhay dahil sa pandemyang ito kaya hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang National Capital Region (NCR) sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) dahil nag-aalala ang pamahalaan na muling tumaas ang mga kaso.
Nitong unang dalawang linggo ng Agosto ay hiniling ng marami sa ating medical association na mag-timeout muna ang ating mga doktor at nurses dahil sa sobrang pagod na kanilang nararanasan.
Dahil dito ay muling ibinalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong NCR at iba pang apektadong lugar dahilan upang magsimula nang bumaba ang mga kaso ng COVID-19.
Hanggang sa magtapos ang Septyembre ay kapansin-pansing bumababa na ang naitatalang kaso ng COVID-19 na mula sa dating halos 5,000 na ay unti-unti nang nagiging 2,000 at hindi na umaabot sa 3,000 kada araw.
Ito ay dahil marami na sa ating mga kababayan ang natuto at alam na kung paano mag-ingat, pero may pagkakataon na muling tumataas ang kaso ng COVID-19 dahil sa kagagawan ng marami pa ring pasaway.
Matagal na tayong hindi umaabot sa 3,000 kaso, pero kung muli tayong babalik sa bilang na ito ay lubhang napakadelikado dahil posibleng pagmulan na naman ito ng muling pagtaas tulad noong umaabot tayo sa humigit-kumulang 5,000 kada araw.
Kaya dapat kung sasailalim man tayo sa pagtatanong ng mga contact tracer ay makipagtulungan tayo at magsabi ng totoo upang mas mapadali nila ang ginagawa nilang pagtukoy sa mga may sintomas o nahawa ng virus na ito.
Kahit sa pagsusulat sa contact tracing form sa mga convenience store madalas ay sinasadyang hindi maintindihan ang mga detalye na dapat siniseryoso dahil napakamahalaga nito sa pagtunton sa mga nagtungo sa lugar kapag may isang nakumpirmang nahawa.
Buong Septyembre ay maganda ang downtrend sa positivity rate ng COVID-19 at sana lang kung hindi natin ito kayang ibaba pa ay pilitin man lang nating mapanatili ito na huwag nang madagdagan pa.
Ang target ng pamahalaan ay maabot natin ang 10% positivity rate ngunit alam n’yo ba na sa kasalukuyan ay naabot na natin ang 9%, kumbaga nalampasan pa natin, kaso nga lamang ang target ng World Health Organization (WHO) ay nasa 5% lamang.
Pero napakalayo na rin ng ating narating kumpara sa dati nating sitwasyon na halos magsiksikan ang mga pasyente ng COVID-19 sa maraming pagamutan, dahil ngayon ay nararamdaman na natin ang pagluluwag.
Kaya nakalulungkot na makakabalita tayo na halos 100-katao ang nasakote dahil pasaway, bukod pa sa ilang bar sa Quezon City at Makati City ang isinalakay dahil sa hindi rin sumusunod sa umiiral na health protocol.
Alalahanin nating may ilang bansa na ang nagdeklara na COVID free ngunit makalipas ang mahigit tatlong buwan ay muling lumala ang kanilang sitwasyon dahil hindi naman umaalis ang virus sa mga lugar.
Dahil sa sobrang paalala na ng pamahalaan para sumunod tayo sa simpleng health protocol ay masasabi na nating lantarang pagpapakita na ng kawalan ng respeto sa sarili at kapwa ang hindi pagsusuot ng face mask, face shield at pagsunod sa physical distancing.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments