ni Lolet Abania | April 30, 2022
Magbubukas na ang kauna-unahang ospital na nakatuon sa mga overseas Filipino workers (OFWs), na matatagpuan sa San Fernando City, Pampanga, matapos na si Pangulong Rodrigo Duterte ay inspeksyunin ito sa Linggo, Mayo 1, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Sabado.
Sinabi ni DOLE Usec. Benjo Benavidez, ang polyclinic ng OFW Hospital ay bubuksan para sa outpatient services sa Lunes, Mayo 2.
Ang mga serbisyo ng ospital ay libre para sa mga OFWs, kabilang na rito ang kanilang mga dependents.
Ayon kay Benavidez, walang limit sa bilang ng mga dependents na maaari ring mag-avail ng mga serbisyo, hangga’t ang mga migrant worker ay naka-register sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Aniya pa, mayroong 100-bed hospital na bukas araw-araw para sa mga kuwalipikadong pasyente.
Matatandaan na nitong pagpasok ng taon, ang DOLE ay nakipag-partner sa Philippine General Hospital (PGH) para sa pamamahala ng nasabing ospital sa mga OFWs.
תגובות