top of page
Search
BULGAR

Kaugnayan at pinagmulan ng 5 elemento sa Chinese Astrology

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 16, 2021



Sa nakaraang isyu, tinalakay natin kung ano ang dapat gawin upang magtagumpay at lumigaya ang bawat indibidwal ngayong Year of the Metal Ox.


Ngayon naman, tatalakayin natin ang tungkol sa limang mahalagang elemento sa Chinese Astrology at bibigyang-diin natin ang tungkol sa elementong metal kung saan ang taong 2021 ay tandaang Year of Metal.


Ang limang elemento at tinatawag ding Five Forces, Limang Makapangyarihang Lakas o Limang Makapangyarihang Bagay sa Mundo at ito ay ang mga sumusunod: (1) Water o Tubig, (2) Fire o Apoy, (3) Wood o Kahoy, (4) Metal o Bakal at (5) Earth o Lupa. Tandaang ang limang elementong ito ay siya ring bumubuo sa komposisyon ng mundo at katawan ng isang tao.


Ang takbo, ikot o likas na cycle ng mga ito ay nahahati sa dalawang pangunahing prinsipyo.


Una, ang tinatawag na “conducive” o kaaya-ayang daloy kung saan metal ang humahawak o nagbibigay ng hugis o kurbada sa tubig. Kadalasan, ang metal ay inirerepresenta ng ginto, ngunit dagdag pa rito, sinabi ring sa sandaling natunaw ang metal, mula rito ay magpo-produce ng liquid o matubig na substance. Kaya ang unang conducive na relasyon ay ang tinatawag na “from metal, we get water.”


Pansinin ding kapag umuulan o may tubig, tumutubo ang mga halaman at ang masaganang halamang ito ang pinagmumulan ng kahoy. Kaya ang ikalawang conducive na relasyon ay ang tinatawag na “from water, we get wood.”


Samantala, ang apoy ay hindi mabubuhay kung walang susunugin, at ang pangunahing bagay na susunugin ng apoy ay kahoy. Mapapansin ding upang makalikha ng apoy, lalo na kung ikaw ay katutubo na nasa bundok at walang posporo o lighter, ang unang gagawin ay pagkikiskisin ang dalawang pirasong kawayan upang makabuo ng apoy. Kaya ang ikatlong conducive na relasyon ay tinatawag na “from wood, we get fire.”


Sa katotohanan, kapag nasunog ng apoy ang lahat ng bagay, ito ay magiging abo (earth o lupa). Kaya dahil sa apoy, nalikha ang earth o lupa. Kaya ang ikaapat na conducive na relasyon ay tinatawag na “from fire, we get earth.”


At ang panghuli, ang metal o bakal ay kadalasang nakukuha sa ilalim ng lupa. Kaya ang ikalimang conducive na relasyon ay tinatawag na “from earth, we get metal.”


Samantala, kung may “conducive relationship o kaaya-ayang ugnayan,” mayroon ding “controlling relationship o ugnayang humahawak o pumipigil”.


Una, ang Metal ay sinusunog ng Fire, tunay ngang nasusunog ang anumang uri ng Bakal sa napakalakas at todong init ng apoy.


Pangalawa, ang fire ay pinatitigil ng tubig. Tunay ngang gaanuman kalakas ang sunog, ito ay napapatay o nasusugpo ng maraming tubig.


Pangatlo, ang tubig ay pinatitigil at kinokontrol ng lupa. Gumagawa tayo ng kanal upang lagyan ng direksiyon ang agos ng tubig at gumagawa tayo ng dam o dambuhalang dike upang makontrol ang malakas na daloy ng tubig.


Pang-apat, ang lupa ay kinokontrol ng kahoy. Hindi nabubuwal ang mataas na punong-kahoy dahil ang mga ugat nito ay nakatuntong o nakakapit sa lupa. Dagdag pa rito, ang punong-kahoy na ito ay umaasa rin sa nourishment o pataba na nakukuha niya sa ilalim ng lupa.


At panglima, ang kahoy ay kinokontrol ng metal. Itinutumba naman ng matalim na palakol o matalim na lagari na yari sa metal ang kahit na gaano kataba o kalaking punong-kahoy sa gubat.


Sa prinsipyong nabanggit, mapapansing walang “mahina o malakas na elemento”. Sa halip, tulad ng Yin at Yang ang mga elementong ito ay nag-e-exist o nananatiling nakadepende sa isa’t isa. Kung saan ang lakas at kapangyarihan ng bawat elemento ay halos pantay-pantay lamang at ang kanilang lakas o kapangyarihan ay nakadepende sa gamit nila o kung paano natin sila kokontrolin at gagamitin para sa ikauunlad at ikaliligaya ng pang-araw-araw na pamumuhay natin.


Sa katotohanan, ang limang elemento ay nakabilanggo sa napakalawak at mahiwagang ugnayan na nagpapanatili ng buhay at mga pangyayari sa mundong ito.


Kahit sa ating panloob na katawan, naniniwala ang mga sinaunang Chinese na dalubhasa hinggil sa medisina na ang limang elemento ay may kaugnayan din at katugon o katumbas na organ sa panloob na bahagi ng ating katawan. Tulad ng ang puso ay kinokontrol ng elementong fire. Ang baga o lungs ay kinokontrol ng elementong bakal o metal. Ang kidney o bato ay kinokontrol ng tubig o water at ang atay o liver ay kinokontrol naman ng Wood o Kahoy.

Itutuloy

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page