top of page
Search
BULGAR

Kaugnay umano sa eleksyon — PNP: 24 katao, arestado sa shooting incident sa Nueva Ecija

ni Lolet Abania | May 8, 2022



Dalawampu’t apat na indibidwal ang inaresto, lima rito ang nasugatan sa naganap na shooting incident na hinihinalang may kaugnayan sa eleksyon sa Nueva Ecija, kung saan sangkot ang security personnel ng incumbent mayor na si Isidro Pajarillaga at mayoral candidate na si Virgilio Bote, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Linggo.


Sa isang press conference, ini-report ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang insidente ay naganap sa Purok Gulod, Barangay Concepcion, General Tinio, Nueva Ecija, bandang alas-11:45 ng gabi nitong Sabado.


“We are considering the incident in General Tinio, Nueva Ecija as a suspected election-related incident considering that the involved parties there are the supporters and bodyguards of both candidates running for particular elective position,” saad ni Fajardo.


Ayon kay Fajardo, ang limang nasugatan ay agad na nabigyan ng medikal na atensyon subalit nasa kostudiya sila ng pulisya para sa imbestigasyon.


Inihahanda naman ng Nueva Ecija Police ang isasampang criminal charges para sa frustrated murder, dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 at violation ng Omnibus Election Code (gun ban) laban sa mga naarestong mga suspek, sabi rin ni Fajardo.


Nagsagawa naman ang mga imbestigador ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng pagsisiyasat sa crime scene, kung saan limang basyo ng bala na tumama sa sports utility vehicles ang kanilang narekober.


Nakakumpiska rin mula sa mga inarestong indibidwal ng limang M-16 rifles, isang 12-gauge shotgun, 15 handguns, at mahigit sa 200 rounds ng assorted live ammunition. Gayundin, 20 cell phones, tatlong handheld radio, at campaign leaflets ni Pajarillaga ang narekober ng mga awtoridad, ayon kay Police Regional Office 3 Police Major Aileen Rose Stanger.


“Ang ating pulisya po ay nag-e-exert ng lahat ng effort para ma-mitigate ang occurrence ng violence dito sa four corners ng Region especially ngayong election period,” sabi pa ni Stanger.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page