ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 18, 2024
Photo: FranSeth, KathNiel - Instagram - NP
Panalo ang launching film ng FranSeth tandem nina Francine Diaz at Seth Fedelin na My Future You na isa sa official entries sa 50th Metro Manila Film Festival mula sa Regal Entertainment.
Kung akala nating puro pakilig lang ang pelikula tulad ng mga napanood na natin mula sa mga unang sumikat na young love teams, well, ‘wag judgmental, you really have to watch the film on Dec. 25 dahil bukod sa kakaibang story plot at twist, magagandang dialogues, pak na pak na acting nina Francine at Seth at maging ng supporting cast na sina Almira Muhlach, Christian Vasquez, Peewee O’Hara, Bodjie Pascua, Mosang, Vance Larena at Izzy Canillo, may pampamilyang lesson din na hatid ang film na kukurot sa puso natin.
Tamang project ang sinugalan ng mag-inang Ms. Roselle at Keith Monteverde para sa FranSeth dahil kahit launching film pa lang ito ng kanilang tandem, mukhang tatatak na ito sa kanila.
Puro positive feedback ang narinig namin sa mga nanood sa premiere night paglabas ng sinehan at iisa ang sinasabi ng lahat — maganda ang pelikula at tama lang na nakapasok sa 50th MMFF.
Habang pinapanood naman namin ang My Future You, naisip naming dapat na talagang kabahan si Daniel Padilla dahil kering-keri na ni Seth Fedelin na pumalit sa trono niya na dating nagpapakilig at nagpapatili sa mga fans.
Napakaguwapo ni Seth sa big screen at bumagay din sa kanya kahit ‘yung mature look niya towards the end. Pasado rin ang natural na acting niya kahit maraming nagsasabi na parang si Daniel Padilla talaga ang nakikita sa kanyang mga kilos at pati pagsasalita.
Napuri rin ng marami ang acting ni Francine na potential sumunod sa yapak ni Kathryn Bernardo, at ang ganda-ganda niya sa big screen na ‘di nakakasawa ang hitsura.
Medyo nabitin lang ang mga fans sa ilang beses na “muntikan” nang lips-to-lips ng FranSeth kaya grabe ang tilian sa loob ng sinehan.
Well, hindi na kami magtataka kung ngayong nabuwag na ang KathNiel love team ay ang tambalang FranSeth naman ang sugalan ng ABS-CBN at Star Cinema para pumalit sa trono nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Kaya tama ring nag-level-up na sina Kathryn at Daniel sa kani-kanilang career dahil ‘di naman puwedeng forever na lang silang magpapakilig.
Congrats to Francine and Seth, Direk Crisanto Aquino and Regal Entertainment, ngayon pa lang, napi-feel na namin ang pagsugod ng GenZ crowd at mga feeling bagets sa mga sinehan at may tila Valentine feels sa Dec. 25 dahil mapupuno ng pag-ibig at paniniwala sa destiny ang kanilang mga puso.
Kahit ‘di magdyowa…
MARY JOY AT AKIHIRO, TODO-BIGAY SA HALIKAN
Isa pang love team na malakas din ang chemistry ay ang kina Mary Joy Apostol at Akihiro Blanco sa pelikulang produced ng Blade Auto Center, ang The Last 12 Days na final installment ng digital series na sinimulan nila bago pa nag-pandemic.
Una nang nagtambal sina Majoy (Mary Joy) at Aki (Akihiro) sa 12 Days to Destiny at The Next 12 Days at Part 3 na nga itong The Last 12 Days na ini-launch sa Viva One nu’ng Dec. 12, 2024 at kasalukuyan nang napapanood.
Tinukso namin ang dalawa na wala bang na-develop sa kanila sa ilang taon na pala nilang pagsasama para sa series, dahil kitang-kita nga ngayon sa The Last 12 Days na sobrang komportable na sila sa isa’t isa at ang lakas ng chemistry nila.
Pareho ang sagot nina Aki at Majoy, friends lang daw sila at hindi umabot sa ligawan dahil hindi rin naman ‘yun ang priority nila. Happy daw sila na pinagkatiwalaan silang bigyan ng trabaho ng Blade at nakita ang magandang chemistry nila mula sa 12 Days to Destiny hanggang dito sa The Last 12 Days.
Dahil mature at mag-asawa naman ang role nila rito ay may kissing scene sina Majoy at Akihiro kaya ‘yun naman ang nagpakilig sa mga fans nila.
Bukod sa three-part digital series na naging film na nga sa Part 3, nakagawa na rin ang Blade ng pelikulang Dito Lang Ako na unang film na ipinrodyus nila nu’ng 2018 at Good Times Bad na pare-parehong napapanood sa Viva One.
Ang The Last 12 Days ay mula sa direksiyon ni CJ Santos.