ni Sir Govinda Jeremaya - @Halamang Gamot | October 4, 2020
Ang bougainvillea.
Lahat ay nakakakilala sa halamang bougainvillea. Kung halamang pandekorasyon ang pag-uusapan, wala nang tatalo sa bougainvillea dahil ito ay makikita sa halos lahat ng lugar. Karaniwan itong nasa labas ng bahay dahil noon pa man, ito ay kinikilala na ng mga Tsino na pampasuwerte dahil na rin sa ang kanyang petals na sinisimbolo ng scale o balat ng lucky dragon.
Bihirang makita ang bougainvillea sa loob ng bahay dahil sa paniniwalang ang anumang halaman na may tinik ay may negatibong puwersang dala-dala sa bahay.
Alam n’yo ba, mga ka-BULGAR, na noong unang panahon sa mga tribo o kalipunan ng mga sinaunang tao, ang bougainvillea ay ginagamit kapag sumosobra na ang populasyon? Kumbaga, dahil ang pagkain ay limitado lang sa kanilang naaabot na lugar, hindi na nila kayang pakainin nang maayos ang maraming miyembro ng tribo kaya dapat ay hindi na madagdagan ang kanilang bilang.
Sa ganitong kondisyon, ang mga lalaki at babae sa tribo ay paiinumin ng katas ng bougainvillea para mapigilan ang overpopulation dahil ito ay antifertility.
Ang nakatutuwa rito ay ngayong moderno na ang panahon, base sa ginawang pag-aaral sa bougainvillea, natuklasang tama ang tradisyunal na paggamit ng mga tribo sa bougainvillea dahil ito ay totoong antifertility.
Ang bougainvillea ay kinikilala rin sa maraming bansa bilang powerful herbal para sa panggamot:
● Ang tradisyonal na manggagamot sa Mandsaur ang gumagamit ng mga dahon ng bougainvillea para sa diarrhea, gayundin upang mabawasan stomach acidity.
● Sa silangang kalupaan, ito ay gamot sa sipon, ubo at nangangating lalamunan.
● Kinikilala rin ito sa mga isla sa Pasipiko na gamot sa pagpapaganda ng daloy ng dugo.
● Sa Timog America, ipinanggamot ito sa hepatitis.
● Sa Panama, gamot ito sa mataas na blood pressure.
● Sa Nigeria, panlaban ito sa diabetes.
● Sa China, ang bougainvillea tea ay kinikilalang gamot sa insomnia.
Sa ginawang pag-aaral, ang mga paunang resulta ay nagsasabing ang bougainvillea ay may anticancer, antidiabetes, anti-hepatotoxic, anti-inflammatory, antihyperlipidemic, antimicrobial, antioxidant at antiulcer properties.
Taglay ng bougainvillea ang mga phytoconstituents na alkaloids, essential oils, flavonoids, glycosides, oxalates, phenolic, phlobatannins, quinones, saponins, tannins, at terpenoids, na dahilan kaya ang bougainvillea ay isang super herbal medicine.
Ang iba pang chemicals na nagpapalakas sa bougainvillea sa larangan ng herbal medicine ay ang mga bougainvinones, pinitol, quercetagetin, quercetin at terpinolene.
DAGDAG-KAALAMAN: Ang dagta ng bougainvillea ay mildly toxic kapag marami ang pumasok sa katawan. Ang mga dahon ng bougainvillea ay hindi toxic, pero ang tinik nito ay nakapagdudulot ng allergic reaction. Samantala, ang mga bulaklak ay edible o makakain at puwedeng ipansahog sa mga sinabawang ulam. Gayundin, isinisama ito sa salad at ito mismo ang ginagamit sa bougainvillea tea.
Good luck!
Comentários