ni Zel Fernandez | April 20, 2022
Nagbabadyang magmahal ang mga bilihin matapos humirit ng taas-presyo sa kanilang produkto ang ilang mga manufacturers.
Ayon sa DTI, aabot sa ₱1-₱3 ang taas-presyong hinihiling ng mga manufacturers sa ilang mga pangunahing produkto na kinakailangang paghandaan ng bulsa ng mga mamimili.
Matatandaang nitong nakaraang Enero lamang ay 73 produkto na sakop ng suggested retail price (SRP) ang nagtaas-presyo, ngunit panibagong taas-presyo na naman sa ilan pang mga bilihin ang inihihirit ng mga manufacturers.
Humigit-kumulang 30 centavos ang hinihingi ng ilang kumpanya ng instant noodles at kape, ₱1.25-₱3 ang hirit na dagdag-presyo sa asin, ₱1-₱2 sa ebaporada at kondensadang gatas, habang ₱1 sa mga de-latang sardinas at ₱1-₱3 naman sa mga de-latang karne.
Tinukoy na sanhi nito ang mataas na presyo ng produktong petrolyo, raw materials at packaging na ikinalulugi umano ng ilang mga kumpanya ng mga pangunahing bilihin.
Pinag-aaralan naman ng Department of Trade and Industry ang mga hirit na umento sa mga nabanggit na produkto, ngunit makikiusap pa rin ang ahensiya na babaan pa ang hinihinging taas-presyo bilang konsiderasyon sa kakayahan ng mga konsiyumer.
Gayunman, nilinaw ni DTI Usec. Ruth Castelo, nililimitahan pa rin aniya ng ahensiya ang price movement ng mga bilihin upang hindi maging pahirap sa mga mamimili ang dagdag-singil sa mga bilihin sa merkado.
Sa ngayon, wala pang inaaprubahang dagdag-presyo ang DTI sa mga pangunahing bilihin na sakop ng suggested retail price (SRP).
Comentarios