top of page
Search
BULGAR

Kasunduan sa interest sa utang

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 27, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Nagkasakit ang aking anak noong nakaraang buwan at siya ay naospital nang matagal.  Hindi ko inaasahan ang gastusin kaya naman napilitan akong mangutang sa aking kapitbahay ng P10,000.00 upang mabayaran ang aming bill sa ospital. Ang usapan namin ng aking kapitbahay ay isasauli ko ang inutang ko matapos ang isang buwan. Makalipas ang isang buwan ay binayaran ko naman nang buo ang aking inutang ngunit sinasabi ng aking kapitbahay na kulang diumano ang aking ibinayad dahil kailangan ko diumano magbayad ng interes na 12% ng aking inutang. Sinabi niya sa akin na lahat diumano ng utang ay may interes na 12% kada buwan. Tama ba ang sinasabi ng aking kapitbahay kahit wala naman ito sa aming napag-usapan? Maraming salamat. — Bing


 

Dear Bing,


Malinaw ang ating batas ukol sa pagpapataw ng interes sa mga utang. Nakasaad sa ating Batas Sibil na, “[n]o interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing.” (Article 1956, New Civil Code of the Philippines) Ang ibig sabihin nito ay walang interes ang mga utang kung walang nakasulat na kasunduan ang mga partido ukol sa pagpapataw ng interes sa utang.


Nabanggit mo sa iyong sulat na ang kasunduan ninyo lamang ng iyong kapitbahay ay isasauli mo ang perang iyong hiniram pagkatapos ng isang buwan at wala kayong naging kasunduan ukol sa pagbabayad ng interest. Malinaw sa batas na aming nabanggit na hindi maaaring magpataw ng interest sa mga utang kung walang nakasulat na kasunduan ang mga partido. Dahil wala kayong kasunduan ng iyong kapitbahay ukol sa pagpapataw ng interest sa iyong inutang ay hindi ka maaaring singilin ng iyong kapitbahay ng dagdag na bayad para sa interes sa iyong inutang na pera. 


Wala ring basehan sa batas ang sinabi ng iyong kapitbahay na lahat ng utang ay pinapatawan ng 12% na interest dahil malinaw naman sa batas na aming nabanggit na maaari lamang magpataw ng interest sa utang kung mayroong nakasulat na kasunduan ang mga partido ukol sa pagbabayad ng interes.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page