ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Pebrero 26, 2024
Dear Chief Acosta,
Binugbog ang kaibigan ko na 14 taong gulang lamang. Ang bumugbog sa kanya ay isang lalaki na higit na matanda sa kanya, nasa 35 taong gulang, at nagtatrabaho umano sa isang gym kaya higit din na malaki ang pangangatawan.
Sobrang napuruhan ang kaibigan ko at ikinamatay niya ito. Hindi alam ng tagapangalaga ng kaibigan ko kung saan siya magsisimula. Mayroon diumano nakapagsabi sa kanya na maaari siyang magsampa ng kasong Murder dahil mayroong abuse of superior strength base sa pagitan sa edad at pangangatawan ng kaibigan ko at ng bumugbog sa kanya. Tama ba iyon? Ano kaya ang dapat isaalang-alang sa pagsasampa ng kasong Murder? Sana ay malinawan ninyo ako. -- Junmar
Dear Junmar,
Sa paghahain ng kasong Murder, kinakailangan na mapatunayan na mayroong taong pinaslang, na ang pumaslang ay ang taong inaakusahan, na naganap o mayroon ang alinman sa mga sirkumstansya na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code of the Philippines, at ang pamamaslang ay hindi saklaw ng kasong parricide o infanticide. Ang bentahe ng higit na lakas ng pangangatawan ng pumaslang ay isa sa mga sirkumstansya na maaaring magpasok sa nangyaring krimen sa kasong Murder. Para higit na mas maunawaan, nais naming ibahagi ang nakasaad sa Artikulo 248 (1) ng Revised Penal Code of the Philippines:
“Art. 248. Murder. — Any person who, not falling within the provisions of Article 246 shall kill another, shall be guilty of murder and shall be punished by reclusion temporal in its maximum period to death, if committed with any of the following attendant circumstances:
1. With treachery, taking advantage of superior strength, with the aid of armed men, or employing means to weaken the defense or of means or persons to insure or afford impunity.
x x x”
Ganu’n pa man, nais naming bigyang-diin na kinakailangan na mapatunayan ng panig ng nag- aakusa na mayroong lubos na hindi pagkakapantay sa lakas at puwersa ng pumaslang at ng biktima, at sadyang alam at ginamit ng pumaslang ang kanyang bentaheng lakas at puwersa upang maisakatuparan ang pagpatay sa biktima. Sa kasong Shariff Uddin y Sali vs. People of the Philippines (G.R. No. 249588, November 23, 2020), ipinaliwanag ng Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting na:
“To successfully prosecute Murder, the following elements must be established: (1) that a person was killed; (2) that the accused killed him or her; (3) that the killing was attended by any of the qualifying circumstances mentioned in Article 248 of the RPC; and (4) that the killing is not parricide or infanticide.
xx x
x x x
In this case, the RTC, as affirmed by the CA, ruled that AAA’s young age of 13 years is an obvious indication that her strength could not overcome that of petitioner ‘who is a male and who claimed to work at a construction.’
‘The circumstance of abuse of superior strength is present whenever there is inequality of forces between the victim and the aggressor, assuming a situation of superiority of strength notoriously advantageous for the aggressor, and the latter takes advantage of it in the commission of the crime.’ The appreciation of abuse of superior strength depends on the age, size, and strength of the parties.
It is beyond doubt that petitioner was superior to AAA in terms of age, size, and strength.
Nonetheless, the records fail to show that petitioner purposely selected or took advantage of such inequality to facilitate the commission of the crime. As held in People v. Evasco, the assailant “must be shown to have consciously sought the advantage or to have the deliberate intent to use [his] superior advantage”. Thus, to take advantage of superior strength means to purposely use force excessively out of proportion to the means of defense available to the person attacked.”
Kung kaya’t mahalagang mapatunayan ng tagapangalaga ng iyong namayapang kaibigan na ang taong bumugbog sa huli ang siyang may kagagawan sa kanyang pagpanaw at ang sirkumstansya ng bentahe nito sa lakas at puwersa ay sadya nitong alam at ginamit upang maisakatuparan ang pamamaslang sa iyong kaibigan. Kung magagawa ito ng tagapangalaga ng iyong namayapang kaibigan, maaari siyang magsampa ng kasong Murder para sa nangyaring krimen.
Kung hindi man mapatunayan ang sirkumstansyang nabanggit, subalit mapatunayan na ang bumugbog sa iyong kaibigan ang siyang pumaslang sa kanya, kasong Homicide ang maaaring isampa. Alinsunod sa Artikulo 249 ng Revised Penal Code, nakasaad na:
“Article 249. Homicide. -- Any person who, not falling within the provisions of Article 246,50 shall kill another without the attendance of any of the circumstances enumerated in the next preceding article, shall be deemed guilty of homicide and be punished
by reclusion temporal.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Komentarze