top of page
Search
BULGAR

Kasong puwedeng isampa sa kapatid na nanira ng gamit

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 28, 2023


Dear Chief Acosta,


Natutulog ako nang bigla na lang pumasok ang aking nakababatang kapatid sa aking kwarto at kanyang binasag ang aking mamahaling toy collection. Ang nasabing collection ay pinag-ipunan ko ng mahigit kumulang 10 taon. Dahil 20-anyos naman na ang aking kapatid, puwede ko na ba siyang kasuhan at ipakulong para siya ay matuto sa ginawa niyang paninira sa aking mahalaga at mamahaling gamit? Puwede ba iyon? - Carlo


Dear Carlo,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 332 ng Revised Penal Code kung saan nakasaad na:


“Article 332. Persons exempt from criminal liability. - No criminal, but only civil liability, shall result from the commission of the crime of theft, swindling or malicious mischief committed or caused mutually by the following persons:

1. Spouses, ascendants and descendants, or relatives by affinity in the same line.

2. The widowed spouse with respect to the property which belonged to the deceased spouse before the same shall have passed into the possession of another;

3. Brothers and sisters and brothers-in-law and sisters-in-law, if living together. The exemption established by this article shall not be applicable to strangers participating in the commission of the crime.”


Sang-ayon sa mga nabanggit, hindi puwedeng kasuhan ng kriminal ng kapatid ang isa niyang kapatid na nakagawa ng malicious mischief, kung parehas silang nakatira sa iisang tahanan. Gayunman, ang nagkasalang kapatid ay puwedeng sampahan ng kasong sibil at pagbayarin ng danyos sa kanyang nagawang kasalanan.


Ang nasabing batas ay tinalakay rin ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng De Carungcong vs People of the Philippines (G.R. No. 181409, 11 February 2010) kung saan sinabi ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Renato Corona ang rason para rito:


“Article 332 of the Revised Penal Code preserves family harmony and obviates scandal, hence even in cases of theft and malicious mischief, no criminal liability is incurred by the accused only civil.”


Alinsunod sa mga nabanggit, maaari mong sampahan ng kasong malicious mischief – tahasang paninira ng gamit ng iba – ang iyong kapatid kung hindi kayo nakatira sa iisang bahay. Kung sakali naman na nakatira kayo sa iisang bahay, maaari ka pa rin naman magsampa ng kaso, ngunit kasong sibil lamang upang mapagbayad siya sa danyos na iyong natamo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page