@Editorial | June 09, 2021
Matindi ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang positibo sa COVID-19 na pagala-gala.
Kaugnay ito sa pagsang-ayon ng Pangulo sa panukala ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na maaaring makasuhan ng murder ang indibidwal na patuloy na gumagala kahit alam nang positibo sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ayon sa Pangulo, kung hindi man murder, puwedeng kasong reckless imprudence.
Marahil ang isipin ng iba ay OA naman na murder agad? Pero ‘ika nga ni Panelo, kung sinadya ang paggala sa kabila ng pagiging banta sa buhay ng ibang tao, uubra ang kasong murder.
Halimbawa, isang positive sa COVID ang pumunta sa isang lugar, alam niyang may sakit siya at nakahawa siya at namatay, ito umano’y sadyang pagpatay.
Matatandaang una nang sinabi ng Pangulo na maghahanap siya ng batas na maaaring ikaso laban sa indibidwal na matigas ang ulo at hindi sumusunod sa health protocols na itinakda ng pamahalaan laban sa COVID-19, maaaring ito na ‘yun.
Kaya sa mga pasaway d’yan, kung hindi pa rin kayo naniniwala sa COVID at walang pakialam sa sariling buhay, huwag na kayong mandamay.
Tumataas na naman ang kaso ng nagpopositibo sa COVID-19, para bang sinasabay sa pagdating ng mga bakuna.
Huwag nating abusuhin ang pagluluwag ng community quarantine dahil hindi pa ito nangangahulugang tuluyan na tayong ligtas sa banta ng COVID, sadyang kailangan lang para sa ekonomiya dahil mahirap naman na buhay tayo mula sa virus, pero tigok naman sa gutom.
Muli, paalala sa mga nagpositibo sa COVID-19, may sintomas man o wala, tiis-tiis muna at sakripisyo hanggang sa tuluyan nang gumaling.
Hangga’t may isang positibo, hindi pa tayo safe, kaya lahat ay dapat na makipagtulungan at maging disiplinado.
Comments