top of page
Search
BULGAR

Kasong kriminal sa sapilitang pagkuha ng gamit bilang bayad-utang

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 26, 2023


Dear Chief Acosta,


Mayroon akong pagkakautang sa aking kapitbahay na halagang 50,000 pesos. Noong dumating ang araw ng aming napagkasunduan para akin itong bayaran, kalahati lamang nito ang naibigay ko. Dahil dito, siya ay nagalit at sapilitan niyang kinuha ang aking pampasadang tricycle na umabot pa sa kanyang pananakit sa akin sapagkat ayaw ko itong ibigay. Pilit kong binabawi ang aking tricycle sapagkat wala na akong gagamiting pangkabuhayan ngunit ako ay nanatiling bigo. May nalabag bang batas ang aking kapitbahay sa kanyang ginawa? - Ernesto


Dear Ernesto,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 287 ng ating Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951:


“Art. 287. Light coercions. – Any person who, by means of violence, shall seize anything belonging to his debtor for the purpose of applying the same to the payment of the debt, shall suffer the penalty of arresto mayor in its minimum period and a fine equivalent to the value of the thing, but in no case less than fifteen thousand pesos (₱15,000).


Any other coercions or unjust vexations shall be punished by arresto menor or a fine ranging from one thousand pesos (₱1,000) to not more than forty thousand pesos (₱40,000), or both.”


Sang-ayon sa nabanggit, ang krimen na light coercion ay magagawa kung: (1) ang offender ay kumuha ng bagay na pagmamay-ari ng ibang tao; (2) ang pagkuha ay bilang kabayaran sa pagkakautang sa kanya; at (3) ginawa niya ito sa pamamagitan ng karahasan.


Sa sitwasyon ninyo ng iyong kapitbahay, ang kanyang sapilitang pagkuha ng iyong tricycle upang gawing kabayaran sa iyong pagkakautang, na labag sa iyong loob at nagawa sa pamamagitan ng karahasan, ay maaaring magdulot ng kasong kriminal sa kanya, sang-ayon sa Article 287 ng Revised Penal Code.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page