ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 31, 2023
Dear Chief Acosta,
Pinaalagaan ko ang aking 5 taong gulang na anak sa aking pinsan habang ako ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Subalit, nalaman ko na lamang na iniwan ng aking pinsan ang aking anak sa ibang tao na hindi ko kakilala nang hindi man lang ipinaalam sa akin. Labag ba sa batas ang ginawang ito ng aking pinsan? – Evangelyn
Dear Evangelyn,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 276 ng Act No. 3815 o mas kilala sa tawag na The Revised Penal Code, kung saan nakasaad na:
“Article 277. Abandonment of minor by person entrusted with his custody; indifference of parents. - The penalty of arresto mayor and a fine not exceeding 500 pesos shall be imposed upon anyone who, having charge of the rearing or education of a minor, shall deliver said minor to a public institution or other persons, without the consent of the one who entrusted such child to his care or in the absence of the latter, without the consent of the proper authorities.
The same penalty shall be imposed upon the parents who shall neglect their children by not giving them the education which their station in life require and financial conditions permit.”
Samakatuwid, ayon sa batas, ang isang taong pinagkatiwalaan na mangalaga ng isang bata ay maaaring maparusahan ng pagkakabilanggo at multa kung ibibigay niya o ipapaalaga sa ibang tao ang nasabing bata nang walang pahintulot ng taong nagtiwala sa kanya.
Ibig sabihin, labag sa batas ang ginawa ng iyong pinsan, at siya ay maaaring makulong at pagmultahin sapagkat ibinigay niya ang iyong anak sa ibang tao nang walang permiso mula sa iyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments