ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 19, 2023
Dear Chief Acosta,
Habang kumakain ang aking pinsan sa isang karinderya, isang grupo ng kapulisan ang pumalibot sa kanya at nagsabing siya ay kanilang aarestuhin. Sinabi nila na nakatanggap sila ng impormasyon na ang cellphone ng isang indibidwal ay kanyang ninakaw. Noong tiningnan nila ang kanyang backpack ay nakita nga nila ang nasabing cellphone. Ayon sa aking pinsan, wala siyang ninakaw na cellphone at ang mga pulis ang mismong naglagay nito sa kanyang backpack para siya ay mapagbintangan. Ano kaya ang maaari niyang ikaso sa mga pulis na nambintang, nagplanta ng ebidensya, at umaresto sa kanya? - Jun
Dear Jun,
Para sa iyong kaalaman, kung sakaling tunay ngang walang kinalaman ang iyong pinsan sa pagkawala ng nasabing cellphone at ito ay ibinintang at pinlanta lamang sa kanya, ang probisyon ng batas na nakasasaklaw sa kanyang sitwasyon ay ang Article 363 “Incriminating Innocent Persons” sa ilalim ng Revised Penal Code, kung saan nakasaad na:
“Art. 363. Incriminating innocent person. — Any person who, by any act not constituting perjury, shall directly incriminate or impute to an innocent person the commission of a crime, shall be punished by arresto menor.”
Sang-ayon sa nabanggit, ang krimen na incriminating innocent persons ay magagawa kung: (1) ang offender ay gumawa ng isang aksyon; (2) ang aksyong ito ay direktang nambibintang sa isang inosenteng indibidwal na siya ay ‘di umano’y gumawa ng isang krimen; at (3) ang aksyong iyon ay hindi perjury.
Sa sitwasyon ng iyong pinsan, ang cellphone na inilagay ng mga pulis sa kanyang backpack upang siya ay mapagbintangan na nagnakaw, isang krimen na kanyang hindi tunay na ginawa, ay maaaring magdulot ng kasong kriminal sa mga pulis na tahasang nambintang at nag-akusa ng mali sa kanya nang may buong kaalaman na hindi ito totoo. Ito ay sang-ayon sa Article 363 ng Revised Penal Code.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments