ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 26, 2021
Lumagpas na sa isang milyon ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 8,929 bagong kaso ngayong Lunes, April 26.
Sa 1,006,428 total cases ng COVID-19, 74,623 ang aktibong kaso kung saan 95.4% ang mayroong mild symptoms, 1.4% ang asymptomatic, 0.87% ang may moderate symptoms, 1.3% ang nasa severe condition at 1% ang kritikal, ayon sa DOH.
Nakapagtala rin ang ahensiya ng 70 bagong bilang ng mga pumanaw at umabot na sa 16,853 ang COVID-19 death toll sa bansa.
Umakyat naman sa 914,952 ang kabuuang bilang ng mga gumaling na matapos maitala ang karagdagang 11,333 ngayong araw.
Samantala, pabor ang DOH na palawigin pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus na binubuo ng Metro Manila, Rizal, Laguna, Bulacan at Cavite upang mapababa pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa at mapigilan ang pagkalat nito.
Commenti