Kaso laban sa nagpapakalat ng fake news, sana hindi fake news
- BULGAR
- Aug 13, 2021
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 13, 2021
Sa mga unang araw nang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila ay nagkaroon ng malaking kaguluhan dahil sa pagdagsa ng mga nais magpabakuna dahil sa takot umano sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi na umiral ang physical distancing sa mga vaccination site sa napakaraming lugar dahil sa hindi na umano palalabasin ng bahay ang walang bakuna at hindi na rin makatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Nabahala ang pamahalaan sa nangyaring pagdagsa ng mga tao sa iba’t ibang vaccination site hindi lang sa Metro Manila dahil maging sa Antipolo, Rizal ay halos hindi mahulugan ng karayom ang dami ng mga taong dumagsa na nais magpabakuna.
Imbes na kaligtasan at proteksiyon ang pakay nang pagbabakuna ay pinangangambahang naging mitsa pa ang naganap na kaguluhan para pagmulan nang pagkakahawa-hawa ng Delta variant ng COVID-19 na ang pinagmulan ng balita na nagbunga ng siksikan ay ang social media.
Ngunit makaraang maisaayos ang lahat ay natiyak ng maykapangyarihan na ang naganap na pagdagsa ng mga tao sa mga vaccination site sa maraming lugar ay fake news na gawa umano ng masasamang loob na nais guluhin ang nagaganap na pagbabakuna.
Hindi pa matiyak kung may pulitika sa likod ng panggugulo sa isinasagawa nating pagbabakuna, ngunit inuumpisahan na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan at tugisin kung sinu-sino ang nasa likod ng naturang pananabotahe.
Lumalabas na may ibang motibo na nais na hindi maging matagumpay ang pagbabakuna sa ating mga kababayan na sinimulan sa pagpapakalat ng mga fake news sa social media na delikado at hindi umano ligtas ang isinasagawang pagtuturok ng bakuna.
Bahagyang naging epektibo naman ang black propaganda laban sa bakuna dahil sa may ilang porsiyento ng ating mga kababayan ang tuluyan ng natakot at ayaw na sa bakuna, ngunit unti-unti ay nagbabago na rin ang desisyon ng ilan dahil sa mas dumami ang naniniwala sa ligtas at epektibong dulot ng bakuna.
Dahil sa nagkalat na fake news sa social media ay dumagsa ang mga tao mula sa Bulacan, Cavite, Laguna at iba pang lugar sa paniniwalang kahit hindi nakarehistro ay matuturukan ng bakuna dahil pawang mga takot maaresto kung hindi mababakunahan.
Tinatayang nasa 7,000 hanggang 10,000 ang mga tao sa SM San Lazaro sa Sta. Cruz; 5,000 naman sa SM Manila na malapit sa City Hall; nasa 3,000 sa Lucky Chinatown sa Binondo at mahigit sa 4,000 sa Robinsons Manila sa Ermita.
Ilan lamang ito sa maraming lugar na naging biktima ng mga masasamang loob na nasa likod ng fake news na dahil sa kaguluhan ay may mga vaccination site na nakansela na ang nakatakdang pagbabakuna.
Natural na galit na galit ang Palasyo dahil sa pangyayaring ito kaya makaraan ang ilang araw ay nagpalabas ng pahayag ang PNP na may limang indibidwal umano ang sinampahan na ng kaso dahil sa pagpapakalat ng fake news sa gitna ng pandemya.
Hindi man matiyak kung ang limang nabanggit ang nasa likod mismo ng naganap na kaguluhan kamakailan sa mga vaccination site, ngunit ipinagmamalaki ng Palasyo na hindi umano sila titigil sa pagtugis sa mga nasa likod ng naturang kaguluhan.
Ang sinasabing lima na hindi naman inilantad ang pagkakakilanlan ay sinampahan umano ng kasong “unlawful use of publication and unlawful utterances” sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act at "unlawful rumor-mongering and spreading false information” sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kinumpirma naman ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ng PNP na may limang indibidwal talaga silang sinampahan ng kaso dahil sa pagkakalat ng fake news kasabay ng banta na hindi sila titigil na tugisin ang mga salarin sa pagpapakalat ng fake news.
Dalawa ang klase ng fake news, una ay ang misinformation o maling impormasyon na hindi sinasadyang naikalat sa online platforms, walang intensiyong propaganda at walang motibong pulitika.
Ikalawa ay ang disinformation na may intensiyong magkumbinsi ng online users na paboran ang isang grupo o isang inbidwal—partikular ang may balakin sa pulitika. Karaniwan ay plinano, pinaghandaan at nilaanan ng pondo at sa pulitika ay karaniwan itong pinatatakbo ng mga professional.
Kaya para matiyak kung mensahe o balita ay totoo at hindi fake news, dapat na tiyakin ang source, ikalawa ay maghanap pa ng ibang source, ikatlo ay busisiin ang nakuhang impormasyon, ikaapat ay maglaan ng sandali na bisitahin ang websites ng pinagmulan kung meron man at kung talagang duda pa rin ay huwag na itong pansinin.
Sa unang bugso ng pandemya ay inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na tugusin ang mga nagpapakalat ng fake news at may 32 katao umano ang kanilang sinampahan ng kaso.
Nakakatuwa kung totoo ang ulat, ngunit nakakainip dahil hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring balita kung ano na ang nangyari sa mga kaso at sa laki ng iskandalo at kaguluhang dinulot ng nagsagawa ng fake news kamakailan ay nararapat lamang na malantad ang kanilang pagkakakilanlan sa publiko para hindi na pamarisan.
Sana lang ay hindi fake news na pursigido talaga ang ating mga operatiba na tugusin ang nagpapakalat ng fake news sa social media para hindi tayo pagtawanan at patuloy na paglaruan ng mga itinuturing na terorista gamit ang fake news!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentários