ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 13, 2025
![Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta](https://static.wixstatic.com/media/a09711_5f41788bb1484503b537ca798dface3e~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_avif,quality_auto/a09711_5f41788bb1484503b537ca798dface3e~mv2.jpg)
Dear Chief Acosta,
Ang kapitbahay namin ay gabi-gabi na lang nagbi-videoke, may kasama pang ingay mula sa mga kabataan na nakatira roon. Ginagawa pa nila ito sa kanilang garahe kaya naman dinig na dinig at dumadagundong talaga ang ingay nila sa aming bahay. Dahil dito, ang mga anak ko na maliliit pa at maging kami ay talagang nahihirapang makatulog. Ano ba ang puwede naming gawin patungkol dito? — Miriam
Dear Miriam,
Upang ating maunawaan ng mabuti, alamin muna natin kung ano ang “nuisance”? Ayon sa Article 694 ng New Civil Code of the Philippines, ang nuisance ay anumang gawa, pagkukulang, establisimyento, negosyo, kalagayan ng isang pag-aari, o ano pa mang bagay na: (1) maaaring makapagdulot ng panganib sa kalusugan ng isang tao o maaaring makapahamak sa kanya; (2) makapagdulot ng inis sa isang tao; (3) nakabibigla o nagsasawalang bahala sa moralidad o sa pagiging disente; (4) nakapipigil sa maayos na pagdaloy o pagdaan sa anumang pampublikong daanan o sa anumang anyong-tubig; o (5) nakapipigil upang maayos na magamit ang isang ari-arian.
Ayon din sa Article 695 ng New Civil Code of the Philippines, may dalawang uri ng nuisance. Maaari itong maging public o private. Matatawag na public nuisance kung ang inirereklamo ay nakaaapekto sa kabuuan ng komunidad o sa maraming tao.
Sa iyong sitwasyon, ang dumadagundong na ingay mula sa iyong kapitbahay ay maaaring matawag bilang isang nuisance dahil nakapagdudulot ito ng pagkainis o pagkayamot sa inyo dahil sa hindi kayo makatulog. Maituturing itong private nuisance kung kayo lamang ang naaapektuhan nito. Ngayon, ano ang maaari mong gawin patungkol dito? Ayon sa Article 705 ng Civil Code of the Philippines:
“ARTICLE 705. The remedies against a private nuisance are:
(1) A civil action; or
(2) Abatement, without judicial proceedings.”
Una, subukan mong daanin sa mabuting usapan ang iyong kapitbahay upang iparating ang iyong hinaing. Kung sila naman ay magmatigas at magpatuloy pa rin sa pagbi-videoke tuwing gabi at sa paggawa ng dumadagundong na ingay, maaari mo silang ipatawag sa inyong barangay upang mapag-usapan ang tungkol dito. Kung hindi naman naging matagumpay ang paghaharap sa barangay, maaari kang magsampa ng kasong sibil patungkol dito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments