ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 22, 2020
Karaniwan nang idinaraing ng tao tuwing Pasko ay iyong sobrang komersiyalismo at pagpipilit na makapagbigay ng regalo sa mga mahal sa buhay maging sa ibang tao. Hindi na bago ang ganitong bagay. Kada taon, pagpasok pa lang ng buwan ng “ber” ay napakarami nang advertisement at nagdidisplay ng mga ads para sa mas maagang pagkakagastusan.
Nariyang bigla mo na lang ilalabas ang iyong credit card at natatagong pera para matiyak mo na makapagbabalot ka na ng regalo at mailalagay sa ilalim ng iyong Christmas tree. Siyempre excited ka rin naman na makita rin sa ibang tao na mayroon kang regalo bukod sa excitement mong nararamdaman dahil naghanda ka ng regalo.
Maraming iba’t ibang istorya kung saan nga ba nagmula ang ideya ng pagbabalot ng regalo para sa Pasko. Heto ang ilang basehan.
1. PAGANONG PINAGMULAN. Marami sa ninuno ang nagdaraos ng holiday para parangalan ang Diyos tuwing kalungkutan ng pag-ulan ng niyebe lalo na’t natataon ng Pasko. Ang selebrasyon ay katatampukan ng pagpapalitan ng regalo, karaniwan mula sa pinuno hanggang sa kanyang utusan. Pinaniniwalaan na ang ugaling pagbibigay ng aginaldo ay nagmula sa pista opisyal ng mga Kristiyano tuwing Pasko upang magunita ang transisyon ng pagano sa bagong relihiyon.
2. ANG MGA MAGO. Ayon sa Bibliya, ang tatlong Mago na dumating at bumisita sa bagong silang na si Hesus. Ang mga Hari na ito ay nagdala ng regalo para sa bata. Ang pagbibigay ng regalo tuwing Pasko ay ginugunita bilang alaala sa naturang kasaysayan at pinaalalahanan ang mga nananalig na Siya ang regalo ng Diyos sa lupa, na nagkatawang tao, si Hesukristo.
3. SI SAN NIKOLAS O SANTA CLAUS. Si St. Nicholas ay isang ikaapat na siglong bishop noong panahon ng Asia Minor. Kilala siya sa kanyang kabaitan at pagkaheneroso lalo na sa mga bata at madalas na binibigyan sila ng pagkain at maliliit na aginaldo. Sa isang alamat sinasabing ginastusan nya ang isang mahirap na biyuda para lamang sa pangangailangan ng mga anak. Sinasabing si St. Nicholas ay naghahagis ng mga bags ng ginto sa ibabaw ng pugunan o chimney at saka ito maisu-swak sa mga medyas naka-sabit malapit sa apuyan para patuyuin. Siya pa rin ang itinuturing na modern-day Santa Claus.
4. ANG EBOLUSYON NG REGALO. Ang bawat lipunan sa mundo ay nagkaroon ng tradisyon mula sa pagsasabit ng mga medyas para punuin ng kendi at regalo. Ginawa ito ng mga tao noong ikasampung siglo. Sa pangkalahatan, ang mga regalo ay laruan o pagkain o mga prutas. Dumating ang panahon na naging homemade gifts hanggang sa nabibili na lamang na yari sa mga tindahan.
5. BIGAYAN NG REGALO NGAYON. Sa panahon ngayon parang unti-unting nawawala ang kahulugan at tradisyon ng pagbibigay ng aginaldo lalo na at may pandemya. Magkagayunman ang gift giving ay isang paraan pa rin para maipakita ang pagmamahal at appreciation sa mga kaibigan at pamilya.
Comments