top of page
Search
BULGAR

Kasaysayan ng Filipino-Muslim at IPs, ituro sa iskul

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 3, 2023


Ngayong darating na Agosto 8, ipagdiriwang sa buong daigdig ang ika-29 na International Day of the World’s Indigenous Peoples. Kung bakit sa ganitong petsa ito ipinagdiriwang, ito ang pinili ng United Nations Assembly bilang pag-alala sa kauna-unahang pulong ng UN Working Group on Indigenous Populations noong 1982.


Sa ngayon, umaabot na sa 110 indigenous cultural communities/indigenous peoples (ICC/IP) ang meron tayo sa bansa. At bawat isa sa mga komunidad na ito, ay may bilang na mula 14 milyon hanggang 17 milyon. Matatagpuan ang 61% sa kanila sa Mindanao, at 33% sa Northern Luzon.


Bagaman masasabing malaki silang bahagi ng ating populasyon, nananatiling isa sa most disadvantaged ang IPs sa Pilipinas.


Kamakailan, nagpahayag ang World Bank na kahit 6% lamang ang global population ng IPs, sila naman ang halos 20% ng pinakamahihirap na tao sa buong mundo. Ayon sa Department of Economic and Social Affairs of the United Nations, mahigit 70% ng kabuuang populasyon sa global na kinabibilangan ng IPs, ay naninirahan sa mga bansang hindi patas ang sistema ng yaman at kita. Liban sa kahirapan, sila rin ang madalas napagkakaitan ng hustisya at madalas na naisasangkot sa mga usaping may kinalaman sa mga krimen dahil sa kanilang sitwasyon sa lipunan.


Base naman sa kanilang pag-aaral sa Pilipinas, nabatid ng International Labour Organization na kadalasan, ang IPs ay matatagpuan sa mga lugar sa bansa kung saan napakataas ng unemployment, underemployment at illiteracy. At kahit pa naninirahan sila sa mismong lupang sinilangan at pinagmulan ng kanilang grupo, nanganganib na pati ang kanilang karapatan sa sariling lupa ay mawala rin.

Isa ang Pilipinas sa 144 bansa sa ilalim ng UN General Assembly na bumoto pabor sa pag-adopt sa United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) noong Setyembre 13, 2007. Ang naturang deklarasyon ay naglalayong masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng IPs, gayundin ang kanilang karapatang-pantao at kalayaan.


Sa pahayag ng UNDRIP, binigyang-diin nila na tulad ng mga ordinaryong mamamayan, kailangang ibigay din sa IPs ang patas na pagtrato, paggalang at ang pangangalaga laban sa anumang uri ng diskriminasyon.


Maging sa ating Konstitusyon, malinaw na inaatasan ang gobyerno na kilalanin, protektahan at isulong ang karapatan ng bawat IP. Base ito sa isinasaad ng RA 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) na isinabatas noong 1997.


Dahil sa kakulangan ng kaukulang datos ng IPs, madalas ay napag-iiwanan sila sa mga kinakailangang serbisyo. Ito ang dahilan kung bakit natin inihain ang Senate Bill 1167, buwan ng Agosto nang nakaraang taon upang maipanawagan ang pagtatatag ng ICCIP resource centers sa strategic areas sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ibabase ito sa pagkilala ng National Commission on Indigenous Peoples sa mga lugar na kinaroroonan ng IPs. Ang naturang centers, ayon sa ating panukala ay bubuuin ng tatlong service areas tulad ng Statistical Service Area; Human Development Index Service Area; at ang Domains Management Service Area.


Ang Statistical Service Area ang responsable sa documentation and recognition ng ICCs at IPs, sa kanilang indigenous knowledge, systems and practices, political structures, at customary laws sa pamamagitan ng census, appraisal and baseline reports and libraries.


Para naman sa Human Development Index Service Area, ito ang reresolba sa mga problema ng ICCs at IPs, at siyang magkakaloob ng kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pamamagitan ng link-ups sa mga naaayong ahensya at departamento ng gobyerno. Kabilang sa mga tulong na ito ang training programs, scholarship grants, livelihood and enterprises at mga tulong pangkalusugan.


Sa Domains Management Service Area naman, inaatasan itong isulong ang participatory programs, projects and activities para sa ICCs at IPPs. Ito ay para matiyak ang implementasyon ng Ancestral Domains Sustainable Development and Protections Plans at iba pang umiiral na programa.


Iniakda natin ang RA 10908 o ang Integrated History Act of 2016 upang epektibo nating maipamahagi sa kaalaman at pang-unawa ng lahat ang kahalagahan ng Filipino-Muslims at ang IPs. Iniaatas ng batas ang pagtuturo ng tungkol sa kasaysayan ng Filipino-Muslim at IPs sa basic at higher education sa bansa.


Sa pamamagitan nito, mas mapapalawak ang kaalaman ng mga batang henerasyon tungkol sa kasaysayan, tradisyon at kultura ng IPs. Ito ay isa ring paraan upang maiwasan ang anumang diskriminasyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page