ni Lolet Abania | August 15, 2021
Pinag-iisipan ng Department of Health na isama sa priority sector ng pagbabakuna ng gobyerno kontra-COVID-19 ang mga kasambahay ng mga senior citizens kasabay ng patuloy na paghahanap ng mga awtoridad ng supply ng bakuna.
Ayon kay DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, binubuo na nila ang mga guidelines para sa polisiya sa gitna ng pagdami ng bilang ng mga fully vaccinated na seniors sa buong bansa na umabot na sa 43% ang kabuuan.
“We are coming up with another strategy – ‘yung A2 (senior citizens) plus one. Ibig sabihin, senior citizen, dinala ng household member, pati ang household member, babakunahan,” sabi ni Cabotaje, chairwoman din ng National Vaccine Operations Center (NVOC).
Sinabi pa ni Cabotaje na posibleng isama sa pagbabakuna ang household member na nag-aalaga mismo sa senior citizen. Gayundin, ayon sa kalihim, ang mga nasa A3 o people with comorbidity members at kanilang caretakers ay maaari na ring mabakunahan. Samantala, hanggang nitong Agosto 12, nakapagtala na ang National Task Force against COVID-19 ng 12,282,006 Pilipino o 17.19% ng eligible target na populasyon ng bansa na nakakumpleto ng dalawang dose ng COVID-19 vaccines.
Ang mga eligible target population ay mga nasa edad 18 at pataas. Nasa 26,677,269 doses naman ng COVID-19 vaccines ang na-administer na mula sa 41,515,350 doses ng bakuna na na-secure ng pamahalaan mula sa iba’t ibang manufacturers.
Comments