ni Mharose Almirañez | January 15, 2023
Pagdating sa isang relasyon, ano nga ba ang dapat unahin, ang pagpapakasal o pagbili ng bahay? Hindi ba dapat ay dyowa muna? Char!
Ang kasal ay isang banal at sagradong katibayan ng pag-iisang-dibdib ng dalawang taong nagmamahalan. Ito ang pinakatamang gawin sa mata ng Diyos at legal ayon sa batas pantao, bago bumuo ng bata. Pero anong silbi ng kasal kung wala naman kayong sariling bahay? Maibabayad ba sa renta ng bahay ‘yung pinanghahawakan n’yong marriage certificate?
Paano naman ‘yung mga magiging anak n’yo na nakaapelyido nga sa ama, pero wala namang magiging permanenteng address at kung saan-saang school ita-transfer sa tuwing maglilipat kayo ng bahay? Paano na ‘yung privacy ng inyong pamilya kung makikitira kayo sa inyong in-laws, sa halip bumili ng sariling bahay?
May ilan na nagsasabing dapat bahay muna para mayroon na silang tirahan matapos magpakasal. Mahirap nga namang makitira sa in-laws dahil napakalaking adjustment nito at matinding pakikisama ang kailangan n’yong gawin. Nakakatulong din umano ang pagli-live-in upang ma-test ang compatibility ng magkarelasyon sa iisang bubong. Dito rin nila malalaman kung may matutuloy pa bang kasal matapos nilang makilala nang lubusan ang isa’t isa. ‘Yun nga lang, sakaling mauwi sa hiwalayan ang magkasintahan, mahihirapan na silang bawiin ‘yung inilabas nilang pera pambili ng bahay.
Ilan lamang ‘yan sa mga opinyong pinagdedebatehan ngayon sa social media, kaya kung isa kayo sa mga newly-engaged couple o nagpaplanong pasukin ang buhay may asawa, narito ang ilang karagdagang impormasyon na dapat n’yong ikonsidera sa gagawing desisyon:
1. KOMUNIKASYON. Kailangang open kayo ng iyong partner sa mga magiging plano ng isa’t isa. Pag-usapan n’yong maigi ang inyong magiging setup bago ikasal at matapos ikasal. Tandaan, ang pagpapakasal ay hindi parang kanin na isinubo at kapag napaso ay iluluwa. There’s no turning back, ‘ika nga. Kaya kung hindi pa sigurado ang isa sa inyo ay mainam na ‘wag n’yo nang ituloy ang planong pagbili ng bahay at pagpapakasal.
2. SAPAT NA IPON. Hindi n’yo puwedeng pagsabayin ang pagpapakasal at pagbili ng bahay sa parehong taon dahil hindi biro ang pera na kailangan n’yong pakawalan. Bukod sa paghahanda emotionally, spiritually and physically, dapat din kayong maging financially ready, sapagkat hindi n’yo naman makakain ang mga salitang “Mahal kita” kapag dumaan na kayo sa financial crisis.
3. RELIHIYON. Kung relihiyosong tao ang iyong partner, paniguradong gugustuhin niya munang magpakasal kayo bago bumili ng bahay. Ang tanong, paano kung magkaiba ang inyong relihiyon? Sigurado ka bang hindi magiging issue ang religion sa kalagitnaan ng inyong pagsasama? Nakahanda ba kayong mag-adjust para sa magkaibang paniniwala ng isa’t isa?
4. MGA PANINIWALA AT KAUGALIAN. Hindi mawawala sa pamilya ‘yung palaging may “say” na kamag-anak. ‘Yung tipong, dapat ganito o dapat ganyan. Nauunawaan nating natural sa mga Pilipino ang pagiging conservative and traditional, pero ‘di ba, dapat nag-e-evolve rin ang mindset? Hello, it’s 2023!
5. PRAKTIKALIDAD. Isipin mo na lamang na puwede kang bumili ng bahay kahit wala kang dyowa, pero hindi ka puwedeng magpakasal kapag wala kang dyowa. Sa madaling salita, kahit sino ay puwedeng bumili ng bahay basta may pera, pero hindi lahat ng may pera ay puwedeng magpakasal. Kung praktikalidad lang ang pag-uusapan, du’n ka na sa taong good provider. ‘Yung tao na kaya kang mahalin, pakasalan at ipagpundar ng tirahan.
Totoong napakasarap sa pakiramdam kapag nakilala mo na ang taong makakasama mo habambuhay. ‘Yung panatag na ang loob mo sa kanya at hindi mo na nakikita ang sarili mo sa piling ng iba.
Anila, mas siksik, liglig at umaapaw ang mga darating na biyaya sa bagong kasal, sapagkat may basbas ng Panginoon ang kanilang pagsasama.
Dapat mo ring maunawaan na sa oras na maikasal ka na sa iyong karelasyon ay magiging conjugal na rin ang inyong mga ari-arian. Kumbaga, kung ano ang sa iyo ay magiging sa kanya na, at kung ano ang sa kanya ay magiging sa iyo na rin— sapagkat kayo ay ganap na iisa. Nakaka-motivate magsumikap kapag nakikita mo na unti-unti kayong nakakapagpundar ng mga ari-arian bilang mag-asawa.
Sa kabilang banda, walang masama sa magkarelasyong bumibili muna ng bahay bago magpakasal dahil napakagandang preperasyon nito kapag ginusto n’yo nang bumuo ng pamilya.
Kaya ikaw, beshie, bahay o kasal… ano ang gusto mong unahin?
Opmerkingen