top of page

Kasabay ng pagninilay, piliin ang karapat-dapat na kandidato

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Apr. 16, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ngayong Mahal na Araw ay muli nating ginugunita ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Kalakip nito ang iba’t ibang pagpapaalala mula sa maraming pangyayari’t tauhan na may kaugnayan sa kasaysayan ng pagkakatawang-tao ng Dakilang Tagapagligtas ng sansinukob. 


Kabilang sa mga ito ay ang paglilitis kung saan ang inosenteng si Kristo at ang sinasabing mamamatay-taong bilanggo na si Barabas ay iniharap sa mga Hudyo noong isang Paskuwa upang kanilang pagpilian kung sino sa dalawa ang palalayain habang ang isa’y hahatulan ng parusang kapital. 


Dala ng udyok ng nagsulputang mga pinunong panrelihiyon, nahimok ang nagkumpulang lipon na piliin si Hesus Nazareno upang mabitay, sa kabila ng tatlong ulit na pagtatanong sa kanila ng hukom na si Poncio Pilato. Tuluyang napalaya ang sinasabing mas nararapat maparusahang si Barabas. 


Nauwi man ang trahedyang iyon sa pagsalba sa sangkatauhan mula sa walang hanggang kapahamakan, nariyan pa rin ang kontekstong hindi karapat-dapat — sa kabila ng malinaw na ebidensya at dala ng maling kapusukan — ang pinili ng mga tao sa sandaling iyon.  


Ilang libong taon na ang nakalipas mula ng kapanahunan ng naturang naratibo ay may karagdagang kahalagahan ito sa ating kasalukuyan bilang mga Pilipino. 


Ito ay dahil sa paparating na halalan, kung saan tayo’y may pagkakataong muli na bumoto ng mga lingkod-bayang iluluklok sa Senado, Kamara at lokal na pamahalaan ng ating mga siyudad at lalawigan. 


Sa alin mang bakanteng posisyon na kailangang mapunuan, napakarami ng mapagpipilian: mga datihan mang walang kasawaan sa pagtakbo o mga baguhang nagsisimulang makipagsapalaran sa pulitika; mga masunurin sa patakaran ng pangangampanya o mga pasaway na nagsimula nang magpamudmod ng mga parapernalya at pakinabang na may taglay na kanilang mga pagmumukha noong nakaraang taon pa; at mga mayumi’t mahinahon sa pagpapakilala o ang mapagmalabis at maiingay sa pangangandidato dala ng kanilang naglipana’t magastos na mga tarpaulin o walang saysay na mga gimik na nagpapalala ng trapik sa mga lansangan ngayon pang kasagsagan ng init at singaw ng panahon.


Ating paglaanan ng masusing pag-iisip at pagninilay-nilay kung sinu-sino ang pagpapasyahang dapat mahirang matapos ang halalan.


Huwag sana nating piliin ang halatang makakapal ang mukha na lubhang makasarili ang pagkatao’t maitim ang budhi, at sadyang mga kaalyado o kaya’y padrino lamang ang tunay na pagsisilbihan, habang ligaw lang na dadapo sa kanilang kamalayan ang taumbayan at tayo’y pababayaan o ilalaglag nang ‘di kalaunan.


Huwag piliin ang sumasakay lamang sa paghanga ng madla dahil sa kanilang katanyagan imbes na sa abilidad, o pagpapamalas ng karunungan at malasakit sa sambayanan, lalo na sa mga kapus-palad.


Huwag piliin ang mga makapangyarihan ang makinarya, na ang tanging pinahahalagahan ay ang kapakanan ng sariling lahi at magiging manaka-naka lamang ang serbisyo sa mga mamamayan, lalo na sa mga patuloy na nakapiit sa rehas ng kadukhaan.


Huwag piliin ang idinadaan sa yabang at angas, at lalung-lalo na sa dahas, ang panunuyo ng mga botante imbes na sa taos-pusong pagtuntong sa lupa. I-etsapuwera rin silang mga namimingwit gamit ang nakasisilaw na ayuda — na kinuha rin naman sa ating naiambag sa kaban ng bayan — upang bilhin ang ating boto, na maihahambing na rin sa pagbebenta sa demonyo ng ating kaluluwa. 


Ipanalo ang mga dalisay na naglalayong guminhawa ang ating kalagayan sa halip na magpatambok ng kanilang sariling mga bulsa.


Gamitin nang wasto ang natatanging karapatang bumoto. Pakalimiin ang isusulat na mga pangalan sa balota. 


Pumili nang mga karapat-dapat upang nawa’y sa bandang huli, masaksihan natin at ng susunod pang mga henerasyon ang mismong muling pagkabuhay ng ating Inang Bayan.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page