top of page
Search
BULGAR

Kasabay ng pagluwag ng restrictions… Pagsigla ng turismo sa bansa, ramdam na

ni Jasmin Joy Evangelista | November 18, 2021



Unti-unti nang nararamdaman ang pagsigla ng turismo sa iba't ibang panig ng bansa matapos padapain ng COVID-19 pandemic simula noong nakaraan taon.


Pero wala pang mga turistang dayuhan dahil hindi pa pinapayagan ang mga turista galing sa labas ng bansa. Mga expat na turista pa lang ang puwede.


Gayunman, marami-rami na rin ang mga dumadayo sa beach at mga pasyalan na matagal nagsara simula nang magkapandemya.


Sa Anilao sa Mabini, Batangas, nasa 300 hanggang 400 lokal na turista ang dumarating na bagaman malayo sa dating 1,500 kada araw ay positibong indikasyon na umano na unti-unti nang dumarating ang kanilang mga kostumer.


“Hindi pa ganoon karami ang pumupunta. Marami naman kami nahihimok na taga-Maynila o taga-ibang bahagi ng Pilipinas upang subukan ang diving," sabi ni Mabini tourism officer Ian Bueno.


Para mas mapasigla ang turismo ng Mabini, inilunsad muli ng Department of Tourism at lokal na pamahalaan ang Anilao Underwater Shootout.


Higit 100 underwater photographer ang magpapagandahan sa mga retrato ng marine life sa karagatan ng Anilao.


Sa Boracay, inalis na ang RT-PCR test bilang requirement sa mga turistang fully vaccinated kaya dumarami na rin ang mga dumadayo dito.


Sa Dapitan City sa Zamboanga del Norte naman, binuksan na muli ang Rizal Shrine na higit isang taon ding isinara.


Nanunumbalik na rin ang kabuhayan ng mga taga-Dapitan ngayong marami na ulit ang turista. Kumikita na ang mga souvenir shop at photographer.


Samantala, dumarami na rin ang mga domestic at international flight kasabay ng pagdami ng mga pasahero sa iba't ibang airport terminal sa Maynila.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page