ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 16, 2024
ISSUE #332
Ang ibabahagi namin na kaso sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Joebert Mesias y Dolar (CA G.R. CEB CR-HC No. 04592, June 24, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Jacinto G. Fajardo, Jr. (19th Division).
Hindi namin maiwasan na maluha sa malagim na sinapit ng batang biktima – isang lalaki na labing-isang taong gulang pa lamang na walang awa at kalaban-labang kinitil ang musmos niyang buhay.
Ang inakusahan naman ay mariing tumanggi na siya ay may kinalaman sa naganap na pamamaslang. Dalawang partido na magkaiba man ang sinapit ay parehong hustisya ang naging paghihinagpis.
Sabay-sabay nating tunghayan ang kanilang kuwento at kung paano winakasan ng hukuman ang naturang kaso.
Kasong murder ang kinaharap ni Joebert kaugnay sa pamamaslang diumano ng batang biktima na si alyas “Tonton”. Naganap diumano ang insidente noong ika-8 ng Hunyo 2017 sa Victorias City, Negros Occidental. Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Silay City, hinampas diumano ni Joebert ang ulo ni Tonton gamit ang isang mapurol na bagay. Ito diumano ang nagdulot ng matinding sugat sa utak ng nasabing biktima at ang naging sanhi ng hindi nito inaasahang pagpanaw.
Meron umanong qualifying circumstance na abuse of superior strength dahil sa musmos na edad ng biktima, kumpara sa inakusahan na ganap nang nasa hustong gulang. Meron din umanong qualifying circumstance na cruelty dahil sa pagpapahirap sa naturang biktima hanggang sa siya ay bawian ng buhay na nahinuha dahil sa puno umano ng mani na pili ang bibig nito na nakadagdag diumano sa kanyang paghihirap.
Ayon sa bersyon ng tagausig, si Tonton at ang kanyang ina na si Erlinda ay nasa loob ng kanilang bahay sa Victorias City noong ika-7 ng Hunyo 2017.
Abala umano si Tonton sa pag-iigib ng tubig, nang bigla umano nitong nabanggit kay Erlinda na merong nag-utos sa kanya at binalaan siya na papatayin kung hindi siya susunod.
Naalala ni Erlinda na meron silang napag-usapan ukol sa pagnanakaw. Kung kaya’t tinanong ni Erlinda, kung sino ang nag-uutos sa kaniya, pero sinabi umano sa kanya ni Tonton ay huwag nang mag-abala pa. Habang ipinagpapatuloy diumano ni Tonton ang pag-iigib ay sinabihan ni Erlinda ang anak na huwag na itong pumunta sa Capetown dahil siya ay aalis.
Nang makauwi umano ng kanilang bahay si Erlinda ay hindi niya nakita si Tonton. Ang mga pinsan umano ni Tonton ang nagsabi sa kanya na natutulog na si Tonton sa bahay ng kanilang lola. Subalit, napag-alaman din nila na wala ru’n si Tonton. Sinubukan nilang hanapin si Tonton ngunit hindi nila ito makita.
Bandang alas-6:00 ng gabing iyon, habang nasa labas diumano ng kanyang bahay si Daisy. Napansin niya na dumaan si Tonton sa kanyang tindahan. Noong panahon na iyon ay nakikipag-inuman diumano si Joebert sa balkonahe ng bahay nito na katabi lamang ng bahay ni Daisy.
Bandang alas-9:00 ng gabing iyon, dumaan diumano si Jelon sa bahay ni Joebert. Nakita niya umano na nag-iinuman sina Joebert, Bemejilo, Jeyboy at Demetrio. Nakita niya rin si Tonton na nasa bandang likuran ni Joebert at Jeyboy na nanonood ng palabas sa telebisyon.
Bandang alas-10:00 ng umaga, noong ika-8 ng Hunyo 2017, meron diumanong sumisigaw na nakita si Tonton na nakahiga malapit sa kapilya, may dalawampung metro ang layo mula sa kanilang bahay. Dali-dali umanong pinuntahan ni Erlinda ang naturang lugar at doon ay nakita ang nakahiga ang katawan ng anak. Merong hawak na mani na pili si Tonton at puno ang bibig nito ng pili at buhangin.
Agad na binitbit ni Erlinda ang katawan ng anak sa pag-aakalang nabangga ito ng sasakyan dahil merong dugo na lumalabas sa tenga at ilong ng bata.
Sa puntong iyon, nabanggit ni Jelon kay Erlinda na nakita niya si Tonton sa bahay ni Joebert noong gabi bago ang makita ang katawan ng bata.
Batay sa medikal na pagsusuri, meron umanong anim na pasa sa iba’t ibang parte ng katawan si Tonton. Ang sanhi umano ng kanyang pagkamatay ay traumatic brain injury secondary to direct contact with blunt object to the head secondary to mauling.
Batay naman sa testimonya ni Joebert para sa depensa, siya ay nasa kanyang bahay bandang alas-6:00 ng gabi, noong ika-7 ng Hunyo 2017, kasama sina Demetrio at Bemejilo.
Nang biglang dumating si Lorna, asawa ni Bemejilo, at ipinakiusap kay Joebert na dalhin ang kanyang pamangkin na si Angeline sa lola nito sa Binanlutan upang kumuha ng pera.
Noong gabi ring iyon ay nagpunta umano sina Joebert at Angeline sa Binanlutan at naiwan umano na nag-iinuman sina Demetrio at Bemejilo. Nang makabalik umano si Joebert sa kanyang bahay ay walang kuryente at sina Demetrio at Bemejilo ay umuwi na matapos silang sunduin ng kanilang mga asawa.
Si Joebert at ang kanyang asawa naman ay kumain lamang umano at pagkatapos ay natulog na rin.
Makalipas ang mahigit sa limang taon na paglilitis, nagbaba ng hatol ang RTC noong ika-4 ng Abril 2023. Guilty si Joebert para sa krimeng murder. Bagaman wala umanong direktang ebidensiya na nagtutukoy na si Joebert ang pumaslang kay Tonton, nakumbinsi umano ang hukuman na may pagkakasala ang inakusahan batay sa mga circumstantial evidence na inihayag ng tagausig partikular na ang pagkakakita umano sa biktima na nasa bahay ni Joebert; ang pagkakakita umano ng dugo sa taniman ng saging na may dalawampu’t limang metro ang layo mula sa bahay ni Joebert at sa dulo ng upuan at loob ng kubo na nasa likurang bahagi ng bahay ni Joebert; ang mga kalat sa likod ng bahay ni Joebert na tila merong tinatakluban; ang tsinelas ng biktima na nakita umano sa may pintuan sa bahay ni Joebert na ginamit pa umano ng anak ni Joebert. Ito rin ay ibinalik ng kapatid ni Joebert matapos pumanaw ang biktima; ang tantya ng oras ng pagpanaw ng biktima na alas-3:00 ng madaling araw noong ika-8 ng Hunyo 2017. Ang bahay ni Joebert at ng biktima ay napapagitnaan lamang ng dalawang bahay at ang biktima ay hinampas ng mapurol na bagay sa may bandang likod ng tenga nito.
Naitaguyod diumano ng mga nabanggit na sirkumstansya na para hindi siya ay mapaghinalaan sa pamamaslang, binitbit ni Joebert ang katawan ng batang biktima mula sa lugar na pinangyarihan ng insidente patungo sa lugar kung saan natagpuan ito.
Dahilan sa hindi pagsang-ayon sa naturang desisyon ng RTC. Naghain si Joebert ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA) sa Cebu City.
Sa tulong at representasyon ng aming tanggapan, sa katauhan ni Manananggol Pambayan N.V. Lacida, iginiit ni Joebert na siya ay walang kinalaman sa krimen na ibinibintang laban sa kanya.
Muling binusisi ng CA Cebu City ang kaso ni Joebert. Binigyang-diin ng appellate court na bagaman tinatanggap ng hukuman ang circumstantial evidence bilang pagpapatunay sa krimen at may-akda nito, kinakailangan na ito ay alinsunod sa Section 4, Rule 133 ng ating Rules of Court:
“Section 4. Circumstantial evidence, when sufficient. - Circumstantial evidence is sufficient for conviction if:
There is more than one circumstance;
The facts from which the inferences are derived are proven; and
The combination of all the circumstances is such as to produce a conviction beyond reasonable doubt.”
Mahalaga rin umano na sundin ang mga sumusunod na panuntunan, alinsunod sa desisyon ng ating Korte Suprema sa kasong Almojuela v. People (G. R. No. 183202, Hunyo 2, 2014):
“(a) Circumstantial evidence should be acted upon with caution;
(b) All the essential facts must be consistent with the hypothesis of guilt;
(c) The facts must exclude every other theory but that of the guilt of the accused; and
(d) The facts must establish with certainty the guilt of the accused so as to convince beyond reasonable doubt that the accused was the perpetrator of the offense. The peculiarity of circumstantial evidence is that the series of events pointing to the commission of a felony is appreciated not singly but collectively. The guilt of the accused cannot be deduced from scrutinizing just one (1) particular piece of evidence.”
Samakatuwid, kinakailangan diumano na tinutukoy ng mga sirkumstansya na ebidensiya ang teorya na ginawa ng inakusahan ang krimen at taliwas sa teorya na inosente ito.
Ang kaso na ito, ayon sa appellate court, ay nagsimula sa reklamo ng pamamaslang laban kay Joebert at sa mga kasama nito sa inuman na sina Bemejilo, Jeyboy at Demetrio.
Batay sa salaysay ng saksi ng tagausig na si Jelon, nakita niya umano si Tonton sa bahay ni Joebert bandang alas-9:00 ng gabi, noong ika-7 ng Hunyo 2017, na nanonood ng palabas sa telebisyon.
Subalit sa isinumite ni Joebert, sinabi nito na bagaman siya ay nakipag-inuman noong gabi ng ika-7 ng Hunyo 2017, kasama sina Demetrio at Bemejilo, natapos ang kanilang inuman bandang alas-8:00 ng gabi. Taliwas umano sa pahayag ni Jelon, hindi maaaring nakinood si Tonton ng palabas sa bahay niya, sapagkat wala umanong telebisyon sila Joebert.
Sa salaysay na isinumite ni Demetrio, sinabi umano nito na natapos ang kanilang inuman bandang alas-7:00 ng gabi, noong ika-7 ng Hunyo 2017.
Isinalaysay rin ni Demetrio na merong pagkakataon na nakita niya umano na merong hawak na mani na pili ang biktima at ang may-ari ng puno ng pili ay si Jelon.
Narinig pa umano ni Demetrio minsan na sinabi ni Jelon na papatayin umano nito ang nagnanakaw ng kanyang pili kung sakaling mahuli niya ito.
Nabanggit din ni Demetrio na ang sugat na tinamo umano ng biktima, batay sa pagsusuri sa katawan nito ay bunsod sa mapurol na bagay, tulad ng pambambo na ginagamit sa pagkuha ng mani na pili.
Pinatotohanan ni Bemejilo ang kanyang sinumpaang salaysay sa mga naging pahayag nina Joebert at Demetrio. Pinabulaanan naman ni Jeyboy ang mga naging pahayag ni Jelon. Nakikipag-inuman umano siya sa Bangga Daan noong ika-7 ng Hunyo 2017 at hindi sa bahay ni Joebert. Natapos ang nasabing inuman bandang alas-12:00 ng hatinggabi. Ginulpi pa nga umano siya roon dahil hindi siya nakapagbayad sa kanyang ininom at siya ay hinuli ni PO1 Baylon. Ang nasabing insidente ay naipa-blotter pa umano. Gayunman, sa resolusyon ng tagausig, tanging si Joebert ang inihabla para sa pamamaslang kay Tonton.
Sa muling pag-aaral ng CA Cebu City, hindi nito sinang-ayunan ang RTC. Para umano sa appellate court, merong makatwirang pagdududa na si Joebert ang pumaslang sa batang biktima.
Napuna ng CA Cebu City na ang testimonya ng saksi ng tagausig na si Jelon ay pangkalahatang salaysay o general statement lamang.
Sa kabilang banda, ang testimonya ng saksi ng depensa na si Demetrio ay direkta, prangka at malinaw ang naging pagdedetalye sa mga naganap noong gabi ng sinasabing pakikipag-inuman sa bahay ng inakusahan.
Ang testimonya pa umano ni Demetrio ay pinatotohanan din ng testimonya ni Angeline.
Nakadagdag pa umano sa pagdududa ng appellate court ang pahayag ni Erlinda na sinabi lamang umano sa kanya ni Jelon na narinig nito si Joebert at Jeyboy na nag-uusap at nabanggit ang mga katagang, “Patay na ba talaga?”
Ang naturang pag-uusap ay naganap umano bandang alas-4:00 ng madaling araw, noong ika-8 ng Hunyo 2017, nang mapadaan umano ang dalawa sa bahay ni Jelon. Subalit, ang mga detalye na ito ay hindi umano nabanggit ni Jelon sa kanyang salaysay o mga naging pahayag.
Para din sa CA Cebu City, hindi naipakita ng may moral na katiyakan ng ebidensiya ng tagausig na si Joebert nga ang salarin sa pamamaslang kay Tonton.
Ang lugar kung saan natagpuan ang katawan ng biktima ay maaari umanong marating o mapuntahan ng kahit na sino. Batay sa mga impormasyon na inilahad sa hukuman, sa kabila ng bahay ni Joebert, may sampu hanggang labing-limang metro ang babaybayin papuntang taniman ng saging, kung saan natagpuan ang mga mantsa ng dugo.
Sa tabi umano ng nasabing taniman ay ang multi-purpose na gusali at basketball court, habang sa likod umano ng multi-purpose na gusali, may dalawampu’t limang metro ang layo mula sa bahay ni Joebert, ay ang lugar kung saan natagpuan ang katawan ng biktima. Kung kaya’t maaari umano na kahit na sino ay maaaring magtapon ng katawan ng biktima sa naturang lugar.
Hindi rin napatunayan ang koneksyon ng mga mantsa ng dugo na natagpuan sa taniman ng saging at sa krimen na ibinibintang kay Joebert.
Ayon umano kay PO1 Baylon, walang mantsa ng dugo na natagpuan sa kalsada patungo sa bahay ni Joebert. Kung kaya’t, wala umanong bakas na dinala ng inakusahan ang biktima mula sa bahay nito papunta sa lugar na natagpuan ang katawan ng biktima.
Dagdag pa rito, wala umanong ebidensiya na ang mga mantsa ng dugo na natagpuan sa mga nabanggit na lugar ay dugo ng biktima.
Kaugnay naman sa alegasyon na ginamit ng anak ni Joebert ang tsinelas ng biktima, hindi umano ito nangangahulugan na si Joebert na ang pumaslang sa batang biktima.
Ang mga kapansin-pansing butas na nabanggit ay hindi maisawalang-bahala ng hukuman ng mga apela. Bagkus, ang mga ito ay nagdulot diumano ng bahid ng pagdududa na maaari umanong ibang tao ang gumawa ng krimen. Dahil dito, minarapat ng CA Cebu City na igawad ang hatol ng pagpapawalang-sala kay Joebert.
Bagaman mariin na kinukundena ng hukuman ng mga apela ang malagim na sinapit ng batang biktima, hindi umano nito maaaring hatulan ang inakusahan kung hindi napatunayan ang kanyang pagkakasala nang higit pa sa makatwirang pagdududa.
Ang nasabing desisyon ng CA Cebu City ay naging final and executory noong Hunyo 24, 2024.
Kung nakapagsasalita lamang sana ang mga pisikal na ebidensiya, ‘di sana ay nakamit na ng kaluluwa ng musmos na biktima ang karampatang hustisya. Subalit, hanggang ngayon ang kanyang pagkamatay ay isa pa ring misteryo.
Tulad ng pamilya at mga mahal sa buhay ni Tonton, nais din ng inyong lingkod na mabigyan ng katarungan ang nangyari sa kanya. Mapatawan ng kaparusahan ang totoong maysala, dahil walang puwang sa mundong ito ang taong gumagawa ng karumal-dumal na pagpapahirap at pamamaslang na iyon, lalo na’t isang musmos na bata pa lamang si Tonton.
Patuloy kaming mananalangin na nawa ay matuklasan na kung sino ang totoong salarin upang makamit na ng kanyang pamilya ang inaasam-asam na hustisya at para na rin matuldukan na ang mga daing mula sa hukay ng biktima.
Comments