ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Mar. 8, 2025
Photo: Atong at Sunshine - Circulated, FB
Super-guwapo, sikat na sikat, macho at kinababaliwan ng maraming babae — ito ang lalaking kinakikiligan ni Sunshine Cruz at type na niya kahit noong dalaga pa siya.
Taob ang porma ni Atong Ang sa ‘bagong guy’ ni Sunshine. Pero, wala namang dapat na ikabahala si Atong sa kanyang karibal sa aktres. Hanggang crush lang naman hahantong si Sunshine dahil mahirap abutin ang lalaking kanyang kinakikiligan.
At ito ay walang iba kundi ang Hollywood actor na si George Clooney!
Minsan nang inamin ni Sunshine na super crush niya ang Hollywood actor, pero mananatili na lamang na pantasya niya ito. Mas abot-kamay pa rin niya ang businessman na si Atong Ang.
MAY plano kaya si Max Collins na sumunod sa yapak nina Heart Evangelista at Pia Wurtzbach, kaya sunud-sunod ang rampa niya ngayon abroad?
Una siyang rumampa sa New York Fashion Week. Sumunod ay nasa Milan Fashion Week din si Max suot ang mga outfit brands na Fendi at Jimmy Choo. Ang next na aabangan kay Max Collins ay ang pagrampa niya sa Paris Fashion Week.
Madalas na ipino-post ngayon ni Max sa kanyang IG account ang kanyang lifestyle goals. At kapag bakante ang kanyang schedule ay nanonood siya ng mga Broadway shows sa New York.
Well, nakikita rin si Max na kahalubilo ang mga richie rich sa New York City. Balitang-balita rin na may rich siyang suitor na madalas magpadala sa kanya ng bouquet of flowers at ipinost ito ni Max sa kanyang Instagram (IG). It seems nakatagpo na ng bagong pag-ibig ang ex-wife ng Kapuso actor na si Pancho Magno.
SA araw na ito ay eere na ang programang Where In Manila hosted by Kapuso actress Rhian Ramos at mapapanood sa GMA Network, 11:30 PM.
Ang Where In Manila (WIM) ang bale pumalit sa time slot ng Dear SV ni Sam Verzosa. Ito’y isang lifestyle at travel show na produced by TV8 Media.
Aabangan ng lahat kung saan-saan mag-iikot si Rhian Ramos at ano’ng lugar ang una niyang itatampok sa kanyang show. Sanay na mag-host ng show si Rhian dahil naging co-host siya dati ni Willie Revillame sa programang Wil To Win (WTW) sa TV5.
Well, likas na malapit sa tao si Rhian at malakas ang karisma. Madalas niyang sinasamahan ang nobyong si Sam Verzosa sa pag-iikot at pangangampanya sa iba’t ibang lugar sa Maynila. Kumakandidato kasi bilang mayor ng Maynila si SV.
Ayon kay SV, malaki ang naitulong sa kanya ni Rhian dahil pinapayuhan siya kapag may major decision siyang gagawin sa kanyang political career. Asset ni SV si Rhian Ramos dahil malapit nga sa tao ang aktres. Jologs kasi ito at napaka-down-to-earth. Marami nga ang hindi makapaniwala na kumakain din pala si Rhian ng street food tulad ng isaw, fish ball, betamax, atbp..
MAY balak na nga bang magpakasal sina Jake Vargas at ang nobyang si Inah de Belen? Ito ang tanong ng mga netizens matapos lumabas sa social media ang larawan nina Jake at Inah na parehong nakasuot ng puting damit at may caption na “prenuptial photos”.
So far, wala pa namang reaksiyon ang parents ni Inah na sina Janice de Belen at John Estrada. At maging ang cast ng Pepito Manaloto: Tuloy ang Kwento (PM:TAK) ay hindi pa aware sa planong pagpapakasal ni Jake.
Si Jake Vargas na gumaganap na Chito sa PM ay panganay na anak nina Elsa (Manilyn Reynes) at Pepito (Michael V.) sa sitcom.
May mababago kaya sa takbo ng kuwento ng PM kapag nagpakasal na sina Jake Vargas at Inah de Belen?
Well, at this point ng buhay ni Jake Vargas, nasa tamang edad na siya upang bumuo ng sariling pamilya. Ganoon din naman ang nobya niyang si Inah. Besides, ilang taon na rin silang nagli-live-in at kabisado na nila ang ugali ng isa’t isa.
At kahit papaano, may savings na sila upang maging puhunan sa kanilang pagsisimula.
Comments