ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 27, 2023
Dear Chief Acosta,
Hindi ako nabigyan ng abiso ng demosyon at pagkakataong pabulaanan ito. Nang igiit ko ang aking karapatan na maabisuhan ng demosyon at mabigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang aking panig, sinabi sa akin ng aking amo na ang nasabing mga karapatan ay naaangkop lamang sa pagtatanggal ng empleyado. Tama ba ang aking amo na wala ako ng mga nabanggit na karapatan? – Imye
Dear Imye,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa kasong “Jarcia Machine Shop and Auto Supply, Inc. vs. National Labor Relations Commission and Agapito T. Tolentino (G.R. No. 118045, 2 January 1997), na isinulat ni Kagalang-galang na dating Kasamang Mahistrado Teodoro R. Padilla ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Besides, even assuming arguendo that there was some basis for the demotion, as alleged by petitioner, the case records are bereft of any showing that private respondent was notified in advance of his impending transfer and demotion. Nor was he given an opportunity to refute the employer’s grounds or reasons for said transfer and demotion. In Gaco v. National Labor Relations Commission, it was noted that:
While due process required by law is applied on dismissals, the same is also applicable to demotions as demotions likewise affect the employment of a worker whose right to continue employment, under the same terms and conditions, is also protected by law. Moreover, considering that demotion is, like dismissal, also a punitive action, the employee being demoted should as in cases of dismissals, be given a chance to contest the same.”
Batay sa nabanggit na desisyon, ang angkop na proseso na itinatakda ng batas ay hindi lamang naaangkop sa pagtatanggal sa trabaho, kundi pati na rin sa demosyon. Ang demosyon ay nakaaapekto rin sa trabaho ng isang empleyado na ang karapatang magpatuloy sa trabaho ay protektado rin ng batas. Higit pa rito, kung isasaalang-alang na ang demosyon, tulad ng pagtatanggal sa trabaho, ay isa ring parusa, kaya ang empleyadong pinatawan nito ay dapat ding mabigyan ng pagkakataong pabulaanan ito.
Alinsunod dito, mali ang iyong amo dahil mayroon kang karapatan na maabisuhan ng demosyon at mabigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang iyong panig.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments