Karapatang bumoto, huwag sayangin
- BULGAR
- 23 hours ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Apr. 25, 2025

Limang araw mula ngayon o sa darating na Abril 30 ay “Woman Suffrage Day”, batay sa Presidential Proclamation No. 2346 na nilagdaan at inaprubahan ng yumaong Pangulong Ferdinand Edralin Marcos noong ika-29 ng Marso 1984. Noong ika-30 ng Abril 1937, isang plebisito ang ginanap kung saan 447,725 kababaihang Pilipino ang sumang-ayon na bigyan sila ng karapatang bumoto, katulad ng mga kalalakihang Pilipino.
Mahaba ang nilakbay na landas bago tuluyang nabigyan ng karapatang bumoto o right of suffrage ang kababaihang Pilipino. Noong 1907, si Congressman Filemon Sotto ng Cebu ay naghain sa Philippine Assembly ng isang panukalang batas na nagbibigay karapatan sa kababaihang Pilipino na bumoto. Sinundan ito ng ganoon ding panukalang batas na inihain ni Assemblyman Melecio Severino ng Negros Occidental noong 1912, Assemblyman Mariano Cuenco ng Cebu noong 1916 at Assemblyman Tomas Luna ng Bulacan noong 1918. Subalit hindi naaprubahan ang alinman sa mga panukalang batas ng ito.
Noong 1928, naghain sina Senador Manuel L. Quezon, Camilo Osias, Emiliano Tria Tirona at Jose P. Laurel ng isang panukalang batas, Senate Bill No. 218 na ganoon din ang layunin: bigyan ng karapatang bumoto ang kababaihang Pilipino.
Sa isang Memorandum na iniharap ni Senador Laurel bilang miyembro ng Senate Committee on Elections and Privileges, sinabi niya na ang mga lalaki at babae ay katuwang hindi lamang sa pagbuo ng pamilya kundi maging ng paghinang ng demokrasya, at anumang pag-angat sa estado ng kababaihan ay pagbuti ng kalagayan ng buong bayan.
Katulad ng mga naunang kaparehas na panukalang batas, hindi rin ito napagtibay.
Noong Disyembre 17, 1933, inaprubahan ng noon ay Amerikanong gobernador-heneral ng Pilipinas, Frank Murphy, ang Act No. 4112 na nagbibigay-karapatan sa mga kababaihang Pilipino na bumoto. Ngunit ang batas na ito ay nawalan ng bisa nang maaprubahan ang orihinal na 1935 Konstitusyon ng Pilipinas. Sa pangalawang talata ng Artikulo V ng nasabing Konstitusyon, itinakda na igagawad ng Pambansang Asembliya (National Assembly) ang karapatang bumoto sa kababaihang Pilipino kung sa isang plebisito na gaganapin sa loob ng dalawang taon matapos pagtibayin ang 1935
Konstitusyon ay hindi kukulangin sa 300,000 babaeng Pilipino na may kaukulang kuwalipikasyon ang boboto ng pagpayag sa pagbibigay ng ganoong karapatan.
Noong ika-30 ng Setyembre 1936, pinagtibay ang Commonwealth Act No. 34 kung saan itinakda ang pagdaraos ng isang plebisito sa Abril 30, 1937. Sa kanyang talumpati sa Malacañang, ipinahayag ni Pangulong Manuel Quezon, “Nararapat at kinakailangang gawaran ng karapatang bumoto ang kababaihang Pilipino.”
Sa plebisitong ginanap noong Abril 30, 1937, may 447,725 na mga Pilipina ang sumang-ayon na bigyan sila ng karapatang bumoto. Ito ay higit pa sa kinakailangang 300,000 na itinakda sa ilalim ng Artikulo V ng 1935 Konstitusyon.
Sa pagbibigay ng karapatang bumoto sa mga kababaihang Pilipino, nagkaroon rin sila ng pagkakataong maihalal o maitalaga sa mga matataas na tungkulin sa pamahalaan ng Pilipinas. Sa Senado, si Senadora Geronima Pecson, ang unang babaeng senador, na sinundan nina Tecla San Andres-Ziga na siya ring kauna-unahang babaeng naging bar topnotcher, at ni Maria Kalaw-Katigbak na siyang may pinakamatagal na panunungkulan bilang senador.Sa Korte Suprema, si Cecilia Munoz-Palma ang kaunanahang babaeng Mahistrado, na sinundan nina Ameurfina Melencio-Herrera, Irene Cortes at Carolina Griño-Aquino.
Tunay ngang karapat-dapat nating alalahanin at bigyan ng pagpupugay ang lahat ng nagsulong na mabigyan ang ating mga kababaihang Pilipino ng karapatang bumoto.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments